Lady operator ng drug den, timbog ng PDEA

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang babaeng nagpapatakbo umano ng isang drug den sa Bulacan.
Ang suspek ay nahuli sa isinagawang buy-bust operation nitong Huwebes, Agosto 28 sa Barangay Muzon South Bulacan na nagresulta sa pagkumpiska sa P102,000.00 halaga ng shabu at pagkakadakip sa apat pang suspek sa droga.
Kinilala ng team leader ng PDEA ang pangunahing suspek bilang alyas “Rose,” 46 taong gulang at residente ng Muzon South. Ang kanyang mga umano’y kasabwat ay kinilala bilang sina alyas “Yael,” lalaki, 44; alyas “Lyn”, babae, 32-anyos; alyas “Ed”, 37; at alyas “Ron”, 20 anyos.
Narekober ng mga awtoridad ang limang plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang sa 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000, mga kagamitan sa paggamit ng droga, at marked money na ginamit ng undercover agent.
Ang magkasanib na operasyon ay isinagawa ng PDEA Bulacan at ng lokal na pulisya.
Sasampahan ang babaeng operator umano ng drug den ng paglabag sa Seksyon 5 (pagbebenta ng mapanganib na droga) at Seksyon 6 (pagpapanatili ng drug den) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, mga paglabag na hindi pinapayagan ang piyansa at may parusang habambuhay na pagkabilanggo at multa na nagkakahalaga mula P500,000 hanggang P10 milyon.
- Latest




















