Lahar ng Mt. Mayon rumagasa: Libong katao lumikas

GUINOBATAN, Albay , Philippines — Nasa 1,930 indibiduwal o 643 pamilya mula sa apat na purok ng Brgy. Masarawag sa bayang ito ang mabilis na inilikas ng lokal na pamahalaan kahapon ng umaga bilang bahagi ng preemptive evacuation program matapos ang muling pagragasa ng baha at lahar mula sa itaas na bahagi ng Mt. Mayon dahil sa malalakas na pagbuhos ng ulan sanhi ng low pressure area at habagat noong Huwebes.
Gamit ang mga trucks at ilang sasakyan mula sa munisipyo ng Guinobatan at Municipal Disaster Risk Reduction Management Council ay hinakot ang daan-daang pamilya mula sa Purok 4,5,6 at 8 ng naturang barangay patungo sa kanilang community college.
Agad namang inatasan ni 3rd District Cong. Adrian Salceda si DPWH district engineer Engr. Cornelio Relativo na magpalabas ng mga heavy equipment upang linisin ang tumabong mga putik at lahar sa mismong kalsada ng barangay upang makadaan ang mga motorista.
Sinuspinde naman ni Gov. Noel Rosal ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa buong lalawigan at inalerto ang lahat ng disaster risk reduction management councils sa buong Albay. Binalaan din ang lahat ng mga residente na mag-ingat at huwag dumaan sa mga river channels at mga bahaing lugar.
- Latest























