Van salpok sa bakod: 5 patay, 9 sugatan!

Trahedya sa CLLEx
MANILA, Philippines — Lima katao ang iniulat na nasawi habang 9 na iba pa ang nasugatan makaraang aksidenteng sumalpok ang isang van sa metal fence o bakal na bakod sa kahabaan ng Central Luzon Link Expressway (CLLEx) sa Tarlac City nitong Martes ng umaga.
Sa inisyal na report ni P/Lt. Col. Neil Rainier Mercado, acting chief of Police ng Tarlac City Police Station, bandang alas-8 ng umaga nang mangyari ang sakuna.
Sa nasabing trahedya, sinabi ng opisyal na lima katao ang dead-on-the-spot nang abutan ng nagrespondeng rescue team habang 9 pang katao ang mabilis namang isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Habang sinusulat ang ulat na ito, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver sa CLLEx sa bahagi ng Brgy. Balingcanaway ng nasabing lungsod.
Nagkalat ang katawan ng mga biktima habang nakahandusay sa CLLEx nang abutan ng nagrespondeng mga operatiba ng pulisya habang nawasak ang kanilang sinakyan van bunsod ng matinding pagbangga sa bakod.
Ayon kay Mercado, maikokonsiderang “self accident” ang pangyayari dahil wala naman ibang sasakyan na sangkot sa insidente at pinaniniwalaang masyadong mabilis ang takbo ng van sanhi ng aksidente.
- Latest
















