Pumpboat lumubog: 18 sakay nasagip

COTABATO CITY, Philippines — Agad na nasagip at nadala sa ligtas na lugar ng mga tropa ng Maritime Police ang 18 na sakay ng isang malaking pumpboat makaraang lumubog sa karagatang sakop ng Maluso, Basilan nitong Sabado.
Sa ulat nitong Linggo ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, galing ng Barangay Tattalan sa Tongkil, isang islang bayan sa Sulu, ang pumpboat at malapit na ito sa Maluso nang biglang lumubog dahil sa malalaking alon.
Ayon kay De Guzman, maagap na na-rescue ng mga kasapi ng Maritime Police sa Maluso ang 18 na sakay ng mga pumpboat na kanilang agad na dinala sa dalampasigan ng isang barangay sa Maluso.
Agad na binigyan ng mga rescuers mula sa Maritime Police unit sa Basilan at ng mga kawani ng Maluso Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang 18 na pasaherong nailigtas sa pagkalunod ng mga tuyong damit at pagkain.
Tutulong ang mga provincial officials sa Basilan sa pagpapabalik ng 18 katao na na-rescue sa kani-kanilang mga lugar sa Tongkil, isa sa 18 na bayan na sakop ng Sulu.
- Latest





















