Kotse, 2 trike nagkarambola: 1 patay, 2 pa sugatan
MANILA, Philippines — Namatay roon din ang tricycle driver at dalawa ang nasugatan nang magkarambola ang isang kotse at tricycle sa kahabaan ng lansangan sa San Jacinto, Pangasinan, iniulat kahapon ng pulisya.
Hindi pa pinangalan ng pulisya ang nasawing driver at mga sugatan. Sa ulat, nasapol ng CCTV camera ang insidente na naganap nitong Setyembre 29 ng hapon sa highway ng Barangay Guibel, San Jacinto.
Makikita umano sa video footage, na paparating na ang isang tricycle at aksidenteng nabangga ng isang kotse na papasok din sa kaparehong linya ng kalsada. Dito, nawalan ng kontrol ang tricycle na napunta sa kabilang bahagi ng kalsada at nabangga ang kasalubong na tricycle at saka ito bumaliktad.
Sinasabing ang namatay na driver ay mula sa bumaliktad na tricycle habang sugatan sa insidente ang isang pasahero ng nasawi, at ang driver ng isa pang tricycle.
Nasa kutodya na ng pulisya ang driver ng kotse habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
- Latest




















