Drug bust: 3 pulis-Cavite, 1 bebot arestado
MANILA, Philippines — Tatlong aktibong pulis ng Dasmariñas City, Cavite at isang babae ang naaresto ng mga otoridad sa isinagawang drug buy-bust operation kamakalawa sa nasabing lungsod.
Kinilala ang mga pulis na sina Police Corporal Christian Arjul Dayrit Monteverde; Police Sergeant Tomas Celleza Dela Rea Jr.; Patrolman Jeru Magsalin Set at ang sibilyan na si Jorilyn Magnaye Ambrad, nasa hustong gulang.
Sa ulat, bago isinagawa ang buy-bust operation ay ilang araw na sinubaybayan ng mga intelligence operative ang galaw ng mga suspek.
Lingid sa kaalaman ng mga suspek na police na ang kanilang ka-transact sa isinagawang buy-bust at nang magkaabutan na, dito na ito pinaligiran ng grupo at naaresto sina Monteverde, Dela Rea at ang kasamang babae, habang sa follow-up operation naman naaresto si Magsalin.
Narekober sa mga suspek ang 2 plastic na nakabuhol at 1 selyadong plastic na pawang mga naglalaman ng shabu na may timbang na mahigit sa 205 gramo na aabot sa halagang P1,394,000.00.
Narekober din ang 2 maliit na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng 2 gramo ng shabu na may halagang P13,600; 1 asul na sling bag, 1 checkered pouch, 2 cellular phones at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon. - Ed Amoroso
- Latest
















