Konsehal tiklo sa P.26-M shabu

MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang municipal councilor makaraang mahulihan ng nasa P.26-milyong droga sa isinagawang anti-drug operation sa Buenavista, Agusan del Norte nitong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ni CARAGA Police Director Police Brig. Gen. Gilbert Cruz ang nasakoteng umano’y drug pusher na opisyal na si Ronilo Bohol, 50, residente ng Purok 4, Brgy. Matabao, Buenavista, Agusan del Norte at municipal councilor ng nasabing bayan.
Ayon kay Cruz, alas-2:40 ng madaling araw nang masakote si Bohol ng kanilang mga anti-operatives at mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tahanan nito sa nasabing lugar.
Ang konsehal ay inaresto sa bisa ng search warrant na inisyu ni Regional Trial Court (RTC) Judge Emmanuel Escatron ng Branch 2, Liberdad, Butuan City nitong Biyernes. Nasamsam mula sa pag-iingat nito ang 22.4 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P264,320.00.
Kasalukuyan nang nakaditine sa Buenavista Municipal Police Station si Bohol na nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.
- Latest

























