P2M ari-arian naabo
MANILA, Philippines - Umaabot sa P 2 milyong halaga ng ari-arian ang naabo habang sugatan naman ang isang electrician matapos na masunog ang limang kabahayan sa Barangay West Calaguiman sa bayan ng Samal, Bataan kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Bureau of Fire ng Samal, bandang alas-7 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa isa sa mga bahay kung saan nasugatan si Ernesto Pasag, nagtamo ng mga paso sa kamay at mga paa.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na nag-overheat ang electric fan kaya nagsimulang kumalat ang apoy sa bahay ng pamilya Pasag.
Kabilang sa mga nasunog na kabahayan ay sinasabing pag-aari nina Atty. Ernesto Datu, Aurea Medina, Eduardo Acuna at Brgy. Kagawad Rosemarie Pasag.
Gayon pa man, naapula ang sunog dakong alas-8:30 ng gabi.
- Latest

















