Eala vs Parry sa Ningbo Open

MANILA, Philippines — Ilalabas na ni Alex Eala ang buong lakas nito upang tuldukan ang sunud-sunod na kabiguan nito sa pagbabalik-aksyon sa Ningbo Open na papalo ngayong araw sa Ningbo Yinzhou Tennis Center.
Sa inilabas na draw ng tournament organizers, upang makakasagupa ni Eala si Diane Parry ng France sa opening roung ng naturang WTA 500 event.
Masisilayan ang bakbakan nina Eala at Parry sa alas-12 ng tanghali.
Ito ang unang paghaharap nina Eala at Parry sa WTA Tour.
Kasama ni Eala sa draw na posible nitong makaharap sina world No. 13 Diana Shnaider ng Russia sa second round, world No. 11 Iva Jovic ng Amerika sa quarterfinals at defending champion at world No. 1 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa semifinals.
Puntirya ni Eala na makaresbak sa Ningbo Open matapos ang sunud-sunod na kabiguan nito sa tatlong magkakasunod na torneo.
Una na sa Singapore Open kung saan maaga itong nasibak matapos matalo kay Tatiana Prozorova ng Russia (6-4, 5-7, 3-6) sa opening round.
Sinundan ito ng isa pang kabiguan kay Wang Xiyu ng China sa semifinals ng 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan sa iskor na 6-4, 3-6, 3-6.
Lalo pang nadagdagan ang pait ni Eala nang maaga itong masibak sa Wuhan Open sa China matapos umani ng 6-4, 3-6, 3-6 desisyon kay Han Shi ng China sa first round.
Lahat ng tatlong tumalo kay Eala ay may mabababang ranking sa WTA.
Pare-pareho rin ang pattern ng pagkatalo ng Pinay netter na nakukuha ang first set subalit kinakapos sa huling dalawang sets.
Kaya naman todo ensayo agad si Eala nang dumating ito sa Ningbo upang masigurong nasa magandang kundisyon ito.
- Latest


















