Converge rumesbak sa TNT

MANILA, Philippines — Lintik lang ang walang ganti para sa Converge matapos ang kaparehong 114-112 eskapo sa overtime mula sa Talk ‘N Text upang masolo ang tersera puwesto sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Matamis na bawi ito ng FiberXers matapos ang buzzer-beater na kabiguan sa 1st round, 110-107, matapos ang tres ni Rey Nambatac, para tapusin nila ang kampanya sa 8-4 kartada.
Pinuwestuhan ng Converge ang No. 3 spot habang segunda ang San Miguel (8-3) sa likod ng NLEX (9-2) bilang lider ng Group A.
Sumandal ang mga bataan ni coach at Pampanga vice governor Dennis “Delta” Pineda kay Alec Stockton na ibinuslo ang go-ahead jumper sa huling 14 segundo habang sablay ang panabla sanang basket ni Rondae Hollis-Jefferson para sa TNT matapos payungan nina Cameron Clark at Calvin Abueva.
Tumabo ng 19 puntos, 3 rebounds at 3 assists si Stockton upang ayudahan ang 27 puntos, 7 rebounds at 6 assists ng import na si Clark.
Tampok sa pamamayani ni Stockton ang huling 5 puntos ng Converge sa regulation, 106-106, upang makapuwersa ng OT.
Kumolekta rin ng 22 puntos si Juan Gomez De Lia? habang may double-double na 19 puntos at 12 rebounds sahog pa ng 2 assists at 2 tapal ang hinakot ni Justine Baltazar.
Laglag ang TNT sa 6-4 sa 4th place bagama’t sigurado na sa crossover quarterfinals kontra sa Group B sa kabila ng 33 puntos at 11 rebounds ni Hollis-Jefferson.
Purnada rin ang 21 at 14 puntos nina Jordan Heading at Calvin Oftana at Roger Pogoy para sa mga tropa ni coach Chot Reyes.
- Latest


















