Generals maninilat uli vs Red Lions
MANILA, Philippines — Muling tatangkain ng Emilio Aguinaldo College na sumilo ng malaking isda sa pagharap nila sa defending champion San Beda University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Playtime FilOil Centre sa San Juan, ngayong araw.
Magsisimula ang banatan ng Generals at Red Lions sa alas-3 ng hapon, sunod ang bakbakan sa pagitan ng San Sebastian College-Recoletos Stags at Mapua Cardinals sa alas-5 ng hapon.
Nagtala ng malaking upset win ang EAC noong Huwebes matapos nilang payukuin ang tigasing College of Saint Benilde, 86-78 upang ilista ang 3-5 karta at upuan ang pangatlong puwesto sa Group B ng team standings.
Si Joseph Nunag ang umakbay sa Generals upang makalsuhan ang two-game skid matapos nilang habulin ang malaking bentahe ng Blazers.
Kaya asahang kakapitan pa rin ng EAC si Nunag upang muling makasilat laban sa SBU na naghahangad naman na makabangon agad mula sa pagkakadapa kontra Arellano.
- Latest


















