PSC tutulungan mga NSAs sa programa
MANILA, Philippines — Tutulungan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga National Sports Associations (NSAs) na walang naiuwing medalya sa nakalipas na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Humakot ang Team Philippines ng kabuuang apat na gold, siyam na silver at 16 bronze medals para tumapos sa No. 17 spot sa hanay ng 46 bansa sa nasabing quadrennial event.
Ang apat na ginto ay nagmula kina gymnast Carlos Edriel Yulo (men’s floor exercise at vault), pole vaulter EJ Obiena at Jeus Yape (mixed virtual taekwondo).
“For PSC to help them, para po makatulong kami sa mga sports na hindi nagmedalya kailangan bigyan nila kami ng assessment kung paano kami makakatulong,” ani PSC chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio sa PSC Hour program sa Sports Radio 918.
Apat na gintong medalya rin ang nakolekta ng mga national athletes sa 2018 (Jakarta, Indonesia) at sa 2022 (Hangzhou, China) Asiad.
“Hindi naman kami humihingi ng report para manita, kami po ay hihingi ng report, isa-submit po nila sa mga Commissioners para mapag-aralan how we can improve and develop their sport,” dagdag nito.
Isa ang archery association sa natulungan ng PSC sa pagbibigay ng dalawang Korean Olympic coaches na nagresulta sa tansong medalya ni national archer Amaya Cojuangco.
“Tignan n’yo po iyong archery. Matagal na nila akong kinausap kung paano nila ide-develop iyong sport. No.1 action nila is Korean Olympic coaches. Ayan na po nagbunga na po,” sabi ni Gregorio sa archery association.
“Very important po iyong pakikipanayam, iyong teamwork po namin kasi kung hindi po nalalaman ng PSC iyong program nila, hindi po tayo makakatulong,” wika ng PSC chief.
- Latest



















