B.League players magdadatingan para sa Gilas training
MANILA, Philippines — Inaasahang magsisidatingan na sina Dwight Ramos, Kiefer at Thirdy Ravena at Ray Parks Jr. ng Japan B. League para samahan ang Gilas Pilipinas sa preparasyon sa fifth window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa susunod na linggo.
Ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), uuwi ng bansa ang apat na overseas players para sa pinal na paghahanda ng Nationals sa pagharap sa Saudi Arabia at Jordan sa Nobyembre 10-13.
Inaayos na rin ng SBP ang proseso para sa posibleng pag-uwi ni Kai Sotto ng Adelaide 36ers mula sa Australia National Basketball League para lalong palakasin ang 20-man training pool na binabanderahan ng mga PBA at UAAP standouts.
Naisakatuparan ang pagbabalik ng mga Gilas reinforcements mula sa abroad dahil sa dalawang linggong break ng B. League at NBL para sa fifth window na lalarga sa iba’t-ibang lugar.
Ang Gilas ay magtutungo sa Middle East para sa road games kontra sa Saudi Arabia sa Nobyembre 10 at laban sa Jordan sa Nobyembre 13.
Kahit hindi naman titigil ang PBA ay puwede sa Gilas ang Barangay Ginebra, San Miguel at TNT Tropang Giga matapos i-adjust ang kanilang schedule sa 2022 Commissioner’s Cup.
Swak sa Gilas pool sina reigning PBA MVP Scottie Thompson, Japeth Aguilar at Jamie Malonzo ng Ginebra, Chris Newsome ng Meralco, Will Navarro at Arvin Tolentino ng NorthPort, CJ Perez ng San Miguel at Roger Pogoy ng TNT.
Nasa 20-man pool rin si Fajardo subalit inaasahang hindi makakalaro dahil sa throat injury.
Kakatawan naman sa UAAP sina MVP Ange Kouame ng Ateneo na siya ring naturalized player ng Gilas, Carl Tamayo ng University of the Philippines at Kevin Quiambao ng La Salle pati si dating Ateneo juniors’ stalwart Lebron Lopez.
- Latest