NU Bullpups winalis ang first round ng 78th UAAP
MANILA, Philippines – Gumamit ang National University ng matinding arangkada sa second half para resbakan ang nagdedepensang Ateneo De Manila University, 73-60, at kumpletuhin ang first round sweep sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament kahapon sa Blue Eagle gym.
Kumolekta si Justine Baltazar ng 18 points, 16 rebounds at 5 blocks, habang may 18 markers din si John Lloyd Clemente para sa 7-0 kartada ng Bullpups, bumangon mula sa three-point deficit sa Blue Eaglets sa first half.
Hindi naman nakaiskor si Jolo Mendoza, ang 2014 Finals MVP, sa loob ng 15 minuto bunga ng kanyang knee injury.
Nalaglag ang Ateneo sa 5-2 katabla ang De La Salle-Zobel, nakalasap ng 66-79 kabiguan sa Adamson University.
Kumamada si EJ Agbong ng 20 points at 15 rebounds para sa Baby Falcons (4-3) para makasosyo ang Far Eastern University-Diliman, kumuha ng 61-40 panalo sa University of Santo Tomas, sa ikaapat na puwesto.
May 2-5 marka ang Tiger Cubs.
Samantala, nakapasok naman ang UP Integrated School sa win column nang kunin ang 104-69 panalo sa University of the East.
Nakatakda ang second round sa Enero 9, 2016.
- Latest