Damo sa Pilapil (128)
ISANG umaga, naglambing si Dulce kay Zac.
‘‘Gusto ko umuwi uli tayo sa probinsiya mo Love. Gusto kong madalaw sina Itay at Inay. At meron din akong lugar na gustong makita roon.’’
“Anong lugar Love?’’
“Secret! Pagdating na lang doon saka ko sasabihin.’’
“Bakit secret?’’
“Basta!’’
“Okey, basta ikaw Love.’’
“Puwede sa Sunday tayo umuwi?’’
“Oo naman. Kahit nga kailan.’’
“Sa Sunday na lang. Di ka ba mapapagod mag-drive?’’
“Okey lang, Love. Kayang-kaya!’’
“Puwede naman akong mag-drive.’’
“Ako na lang, Love.’’
“Pagkatapos nating magtungo kina Itay at Inay, punta na rin tayo sa Encarnado Resort.’’
“Yes gusto ko nga roon, Love. Bakasyon grande uli tayo, ha-ha-ha!’’
LINGGO. Maagang umalis ng bahay sina Zac at Dulce. Hindi pa sumisikat ang araw ay nagbibiyahe na sila. Mas masarap magbiyahe kapag malamig pa.
Eksaktong katanghalian, nasa probinsiya na sila. Isang oras pa at malapit na sila kina Zac. Masayang-masaya si Dulce nang makita ang malawak na palayan na nasa magkabilang gilid ng highway. Kulay ginto na ang palay dahil nahihinog na. Binuksan niya ang bintana. Nasamyo niya ang nahihinog na palay. Naalala niya ang tagpo na na-flat ang gulong ng kanyang sasakyan noon. Hindi niya malilimutan ang nangyari noon.
“Zac, itigil mo roon sa lugar na iyon. Dun sa tapat ng palayan na iyon na mataas ang pilapil.’’
Sumunod si Zac sa asawa. Itinigil ang sasakyan sa itinurong lugar.
‘‘Hindi ko malilimutan ang lugar na ito, Zac. Dito na-flat ang gulong ng sasakyan ko at nilapitan mo ako. Dito tayo unang nagkakilala…’’
“Oo, Dulce, hindi ko nalilimutan ang pangyayaring iyon. Kahit kailan, hindi ko malilimutan ang tagpong ‘yun.’’
(Itutuloy)
- Latest