Suklam (68)
NAPATANGO si Brent sa sinabi ng tatay niya. Totoo ang sinabi nito na kinalimutan nang tuluyan ang nagtaksil nilang ina. Hinarap nito ang pagiging ama at ina sa kanilang dalawang magkapatid. Nagsikap pang lalo sa pagtatrabaho bilang bus driver. Para makauwi ito araw-araw sa kanila ay nagpalipat ng destino. Nagmakaawa sa manager ng bus company na ilipat sa Metro Manila operations. Ikinuwento nito sa manager ang nangyaring kataksilan ng asawa. Naawa ang manager at nilipat siya sa biyaheng Monumento-Alabang. Dahil dun, araw-araw na itong nakakauwi sa kanilang bahay. Pagdating ay ito pa rin ang nag-aasikaso ng pangangailangan nilang magkapatid—nagluluto at naglalaba.
Kalaunan si Brent na ang gumagawa ng ilang magagaan na bagay kapag wala silang pasok sa school. Tinutulungan niya ang kanyang tatay. Siya ang naglilinis sa bahay at nagtatapon ng basura. Siya rin ang pumupunta sa palengke para bumili ng kanilang ilulutong pagkain.
Nairaos siya ng kanyang tatay na mapag-aral sa kolehiyo. Buong tiyaga nitong ginabayan silang magkapatid. Humanga siya sa kanyang tatay sa ginawa nitong pagpapalaki sa kanila. Bihira ang ama na tulad ng tatay niya. Ipinagmamalaki niya ang tatay niya. Nakaranas ito nang matinding bagyo sa buhay pero nanatiling matatag.
“Kung tutuusin, mas matindi ang nangyari sa akin kaysa kay Julio na kaibigan mo. Ako, nasaksihan ang pagpugay sa dangal sa sariling pamamahay. Mas masakit ang naranasan ko.’’
Itutuloy
- Latest