^

PSN Showbiz

Retokadong male personality, naunahan ng yabang sa katawan

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Nagkaroon na ng hindi kagandahang resulta ang sobrang kaangasan ng isang male personality. Iniluwa siya mula sa kung saan ng showbiz, armado agad ng kayabangan, marami siyang inalipustang mga artista na hindi naman siya inaano.

Matakaw sa camera ang male persona­lity na ito, tuwang-tuwa siya kapag naiilawan at natututukan ng mga camera, feeling-sikat ang damuhong ito.

Kuwento ng isang source, “Kabagu-bago pa lang niya nu’n, e, talagang nagpakontro­bersiyal na siya. ‘Yun ang type niya, ‘yung pinag-uusapan siya!

“Akala mo siya kung sino, may mga alalay pa siya, mahirap na raw kasing pag­kaguluhan siya, baka siya masaktan ng mga fans! Pero ang totoo, e, takot na takot ang mokong na baka may kung sinong manuntok sa kanya!

“Baka meron nga namang mabuwisit sa kanya sa labas, upakan siya, du’n siya takot na takot!” unang sultada ng aming impormante.

Paano naman hindi nenerbiyusin na masaktan ang male personality, samantalang lahat ng bahagi ng kanyang mukha ay retokado, wala nang original sa itsura niya.

Patuloy ng aming source, “’Yun ang totoong ikinatatakot niya, ang baka masuntok siya sa face, e, puro retoke pa naman siya! Pero kahit natatakot na siya, e, sige pa rin siya sa pamimintas sa mga personalidad na nananahimik!

“Kasi nga, very happy at enjoy na enjoy siya sa mga nangyayari, palagi siyang laman ng mga tabloids, ini-interview rin siya sa TV, akala niya talaga, e, super-sikat na siya!

“Maraming galit sa kanya, lalo na ang mga fans ng mga artistang pinipintasan, pinagtatawanan at sinisiraan niya!” sabi uli ng aming source.

Biglang naglaho ang mayabang na male personality, hindi na siya pinag-uusapan, ang pagpaparetoke lang naman kasi niya ang totoong pinaglaruan at pinagpistahan.

“Nasaan na siya ngayon? Ayun, nakakulong na siya, idinemanda siya ng ex niya na ang sabi, e, binastos niya, naghihimas na siya ng malamig na rehas na bakal ngayon.

“Tulo ang luha at sipon niya, e, nagmamakaawa ang male personality na patawarin na raw siya, hindi na raw niya uulitin ang ginawa niya, pero hindi siya pinagbigyan ng girl.

“’Yun ang napala ng mayabang na retokadong ‘yun! Wala pa naman kasi siyang napapatunayan, e, saksakan na siya ng kayabangan!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Cogie, namatayan ng tatay

Mapayapang Pasko po sa inyong lahat! Sa kabila ng pandemya ay tuloy pa rin ang Pasko. Marami nga lang bawal, maraming nakaugalian na natin ang hindi puwedeng gawin, pero ang Pasko ay hindi maaaring burahin sa kalendaryo.

Isa sa pinakamalungkot ngayong Pasko ay si Cogie Domingo. Nasa Amerika ang kanyang ina at kambal na kapatid at ilang araw pa lang ang nakararaan ay namayapa naman ang kanyang ama.

Sila ni Attorney Rod Domingo ang magkasama dito sa Pilipinas, nagtatrabaho na sa San Francisco ang kanyang mga kuya, nasa Las Vegas naman si Mommy Zeny.

Maraming alaala si Cogie sa pumanaw niyang ama, tinuruan siya nito para magnegosyo, dahil parang tinabangan na siya sa pag-aartista. Pinahawakan sa kanya ni Attorney Rod ang ibang negosyo nila, daddy niya ang kanyang boss, kaya bihira na siyang humaharap sa mga camera.

Parang nakikini-kinita na namin ang ma­tinding kalungkutan ni Cogie ngayong Pasko. Wala na siyang kasama ngayon, siguro nga’y pumapasok na rin sa isip niya ang pangingibang-bansa ngayon, tutal naman ay American citizen siya.

Napakarami naming nakakausap na matindi ang panghihinayang sa career ni Cogie. Bibihira nga naman ang tulad niya na guwapo na ay magaling pang umarte.

May mga puhunan siya kung tutuusin para magtagal sa showbiz, pero mukhang hindi niya naman isinasapuso ang kanyang trabaho, kaya naunahan-nalampasan na siya ng mga baguhang artista.

Ganu’n nga siguro kapag namulat sa magandang buhay ang artista, hindi naman lahat, pero karamihan sa kanila’y kapos sa pagtutok sa kanilang career.

Tulad ni Cogie, paborito siya ng mga direktor dahil nakaaarte siya, pero ang produksiyon naman ang pinasasakit niya ang ulo sa palaging pagiging late sa trabaho.

Baka naman ngayong wala na ang kanyang daddy na parang pader na sinasandalan niya ay magbago na ang takbo ng kanyang isip. Baka naman magkaroon na uli siya ng interes sa pag-aartista.

Harinawa. Harinawa. Harinawa.

vuukle comment

PERSONALITY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with