Bulkang Bulusan muling pumutok!

MANILA, Philippines — Muling pumutok ang Bulkang Bulusan nitong Martes ng gabi.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ito ay makaraang tumaas ang volcanic activities ng bulkan at tumagal ng 77 minuto ang pagputok nito.
Bunsod nito, ilang residente na rin ang inilikas sa mas ligtas na lugar.
May naitala na ring ashfall sa mga barangay ng Cogon, Tinampo, Monbon, Bolos, Gulang-Gulang, Gabao, Bulawan, at Macawayan sa bayan ng Irosin; Guruyan sa Juban; at Zone 7, Somagongsong, Beguin, Aquino, San Francisco, Calomagon, Inararan, Cadandanan, Dolos at Polot sa Bulan, Sorsogon.
“The eruption plume was obscured by clouds but likely drifted to the southwest based on the location of communities affected by ashfall,” pahayag ng Phivolcs.
Ayon sa Phivolcs, nasa 66 na volcanic earthquakes ang naitala sa bulkan habang ang ibinubugang sulfur dioxide ay nasa 548 tonelada kada araw at nasa 70-meter-high plume.
Nananatiling nasa Alert Level 1 ang status ang bulkan.
Pinapayuhan ng Phivolcs ang mga residente sa paligid ng bulkan na mag-ingat.
Sa tala, umabot na sa 98,315 katao o 20,966 pamilya mula sa 65 na barangay sa mga bayang nakapalibot sa Mt. Bulusan ang apektado dahil sa pag-aalboroto ng bulkan simula pa nang una itong magkaroon ng phreatic eruption nitong Lunes ng umga na sinundan alas-6:46 ng gabi nitong Martes.
Sa ulat ng Office of Civil Defense-Bicol Regional Office sa pangunguna ni Regional Director Claudio Yucot, nasa 65 na pamilya o 211 katao ang inilikas sa dalawang evacuation center mula sa mga barangay ng Cogon at Monbon sa bayan ng Irosin.
- Latest