Bautista binuhat FEU sa semis

MANILA, Philippines — Sinalpak ni Jorick Bautista ang panelyong tres upang isampa ang Far Eastern University sa semifinals matapos suwagin ang defending champion De La Salle University 74-72 sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball na nilaro sa Araneta Coliseum kahapon.
Naghahabol ng isang puntos ang Tamaraws, 71-72, pagkahawak ng bola ni Bautista ay mabilis na sinipat ang rim at saka ipinukol ang game-winning tres may 14 segundo na lamang sa orasan.
Naging mahigpit ang depensa ng FEU sa sumunod na play kaya naitakas nila ang mahirap na panalo at ilista ang 9-5 karta sapat para makapasok sa semis.
Maliban sa pag-usad sa final four may tsansa pa rin ang Tamaraws na maka sungkit ng twice-to-beat advantage na ibinibigay sa top two teams pagkatapos ng elimination round.
Pinamunuan ni center Mo Konateh ang opensa para a FEU matapos irehistro ang 21 points, nagtala si rookie forward Lawrence Cabonilas ng 12 puntos habang tig-siyam na puntos ang binakas nina Bautista at Luke Felipe.
Samantala, hinablot ng University of the Philippnes ang unang twice-to-beat advantage matapos nilang katayin ang National University, 77-67 sa ikalawang laro.
Nagsosolo sa tuktok ang Fighting Maroons tangan ang 10-4 record, bagama’t pasok na rin sa semifinals ang Bulldogs na hawak ang 9-5 record ay kailangan harapin ang Tamaraws sa playoff para sa No. 2 spot at sa natitirang twice-to-beat advantage.
- Latest





















