Rebisco bigo sa Nakhon Ratchasima
MANILA, Philippines — Laglag ang Rebisco nang matalo ito sa Nakhon Ratchasima-Thailand, 11-25, 19-25, 18-25, sa quarterfinals ng 2021 Asian Women’s Club Volleyball Championship kahapon sa Terminal 21 Hall sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Malaking pasakit sa Pinay squad ang 22 errors na nagawa nito sa buong panahon ng laro na umabot sa isang oras at 28 minuto.
Rumatsada ang mga bagitong players kung saan nanguna sa atake ng Rebisco si National University standout Ivy Lacsina na nagtala ng siyam na puntos mula sa walong attacks at isang block.
Kumana naman si Ateneo de Manila University wing spiker Faith Nisperos ng anim na hits.
Nagdagdag sina middle blocker Aby Maraño at opposite hitter Dindin Santiago-Manabat ng tig-apat na puntos.
Sa kabila nito, hindi pa rin umubra ang Pinay Spikers laban sa Nakhon Ratchasima na may malalim na karanasan.
Ito ang ikaapat na sunod na kabiguan ng Rebisco.
Bumandera sa matikas na ratsada ng Nakhon Ratchasima si Chatsuda Nilapa na may 12 attacks at isang ace.
Nahulog ang Rebisco sa classification round kung saan makakasagupa nito ang matatalo sa Choco Mucho at Supreme Chonburi-Thailand.
- Latest



















