Sumisigaw ng rematch kay Pacquiao
MANILA, Philippines — Eksaktong isang taon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin maka-move on si Keith Thurman sa split decision loss na tinamo nito kay eight-division world champion Manny Pacquiao.
Ito ang naging dahilan upang mahubaran si Thurman ng World Boxing Association (WBA) welterweight belt na kasalukuyang nasa palad ni Pacquiao.
Kaya naman gagawin ni Thurman ang lahat upang maikasa ang rematch sa Pinoy champion at mabawi ang kanyang korona.
Walang ibang iniisip na makalaban si Thurman kundi si Pacquiao.
At handa itong maghintay sa sagot ng kampo ng Pinoy pug bago gumawa ng kanyang susunod na hakbang.
“I deserve a rematch but everything is up for negotiations,” ani Thurman.
Para maisakatuparan ito, kailangan ni Thurman na sumali sa mahabang pila na naghahangad na makaharap si Pacquiao.
Nangunguna sa listahan sina World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion Errol Spence, at World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terence Crawford.
Kandidato rin sina Mikey Garcia, Danny Garcia at Amir Khan gayundin ang posibleng mega fight kontra kina UFC champion Conor McGregor at undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.
Kaya naman isang napakalaking suwerte kung makukuha ni Thurman ang inaasam nitong rematch kay Pacquiao.
Unang nagharap sina Pacquiao at Thurman noong Hulyo 20, 2019 (Hulyo 21, 2019 sa Maynila) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada na nagresulta sa split decision win para sa Pinoy fighter.
- Latest