Letran aasinta ng panalo sa Lyceum
MANILA, Philippines — Pakay ng Letran Lady Knights na tuhugin ang pang limang panalo pagharap nila sa tigasin at ka-lugar na Lyceum of the Philippines Lady Pirates sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament sa Filoil EcoOil Centre.
Tangan ng Intramuros-based squad ang 4-2 card, nasa solo third place sila ng team standings at makakalaban nila ang Lady Pirates na wala pang talo sa anim na laro.
Magsisimula ang kanilang paluan sa alas-10 ng umaga, sunod ang bakbakan sa pagitan ng San Sebastian College Lady Stags at Emilio Aguinaldo College Lady Generals sa alas-2 ng hapon.
Pero tiyak na mapapalaban ang Letran dahil may mga malulupit na pambato ang LPU na nasa pangalawang puwesto, ito’y sina Johna Denise Dolorito Hiromi Osada, Joan Doguna, Janeth Tulang at Vanessa Yvonne Martin.
Ipantatapat naman ng Lady Knights ang panargo nilang sina Nizelle Aeriyen, Marie Judiel Nitura at Gia Marcel Maquilang upang tuldukan ang kanilang kamalasan sa huling dalawang laro.
Samantala, mag-isa sa tuktok ang defending champions College of Saint Benilde tangan ang 7-0 record.
- Latest