1 gold, 2 silver sa muay thai team
MANILA, Philippines — Sumipa ang junior muay team ng isang ginto, dalawang pilak at apat na tansong medalya sa 2018 IFMA Youth World Championships na ginanap sa National Stadium sa Bangkok, Thailand.
Binanderahan ni Islay Erika Bomogao ang kampanya ng Pilipinas nang masungkit nito ang nag-iisang ginto mula sa girls’ 42 kgs. 16-17 years category.
Pinataob ni Bomogao sa semifinals si Berflin Eftelya Guder ng Turkey bago iginupo si Nisara Kamkot ng Thailand sa finals.
Nagkasya naman sa pilak na medalya sina Jeriel Gabe Co (boys’ 32 kgs. 10-11 years) at Ashley Jazmine Gavina (girls’ 42 kgs. 12-13 years) matapos yumuko sa kani-kanilang gold-medal matches.
Galing naman ang tanso kina 2015 Royal World Cup champion Ghenyan Berdon (boys’ 45 kgs. 16-17 years), Kristian Narca (boys’ 48 kgs. 16-17 years), Prince Ian Berdon (boys’ 42 kgs. 14-15 years) at Zoren Ardales (boys’ 45 kgs. 14-15 years).
Tangan ang kabuuang pitong medalya, nagtapos ang Pilipinas sa ika-12 puwesto sa torneong nilahukan ng 86 bansa.
Nanguna ang host Thailand na may 30 ginto, 13 pilak at 21 tanso kasunod ang Russia (26-19-14) at Amerika (8-2-2).
Itinanghal na Female Rising Star si Gavina habang Best Muay Boran sina Narca at Ghenyan.
- Latest