QC bahagi na ng Open Gov’t Partnership Local Program
MAPALAD ang Quezon City dahil kabilang ito sa limang local government unit para maging bahagi ng Open Government Partnership Local Program sa bansa.
Kasama nating nakapasok ang Baguio City, Tagbilaran City at Larena sa lalawigan ng Siquijor. Una nang napabilang sa listahan ng OGP Local Program ang South Cotabato.
Nakatuon ang Open Government Partnership sa pagpapalakas ng government transparency, pagtiyak na may partisipasyon ang mamamayan sa mga pampublikong usapin, at mapaigting ang mekanismo para sa pananagutan o accountability.
Sa pagsali natin sa OGP Local Program, napatibay ang ating kampanya para sa mas bukas, inklusibo at may pananagutang pamamahala, kung saan aktibong nakikilahok ang mga QCitizens sa pagpapatakbo ng siyudad.
Noong nakaraang linggo, naging bahagi tayo ng Open Government Partnership (OGP)-Local Leaders Roundtable session na parte ng OGP Asia and the Pacific Regional Meeting na ginanap sa Pilipinas.
Ibinahagi natin sa talakayan ang digitalization initiatives ng ating lungsod, kabilang ang QC E-Services, na nakatulong sa mas pinadaling proseso sa lokal na pamahalaan at mas mabilis na paghahatid ng serbisyo sa QCitizens.
Tumatayo ang QC E-Services bilang one-stop-shop para sa mga transaksyon at serbisyo ng lungsod na binubuo ng mahigit 20 systems at 100 services.
Magagamit ito sa pagbabayad ng business permits, tax payments, health services, scholarship applications, at iba pang social services. Sa tulong ng QC E-Services, napapalakas ang zero corruption policies ng ating lokal na pamahalaan.
Tinalakay din natin sa pulong ang mga naging hamon noong panahon ng pandemya at mga ginawang hakbang ng lokal na pamahalaan para mapagtagumpayan ang mga ito.
Ipinagmalaki rin natin ang aktibong partisipasyon ng mga Civil Society Organizations na nakapaloob sa People’s Council of Quezon City. Sila ang mga katuwang natin sa pagbuo at pagpapatibay ng mga polisiya para sa kapakanan ng QCitizens.
Kabilang naman sa ating commitments sa OGP ang palakasin pa ang pakikiisa ng publiko sa pagbalangkas ng annual budget ng mga departamento at opisina ng lungsod. Paiigtingin din natin ang civic engagement sa pamamagitan ng mga capacity development programs ukol sa participatory governance.
Nais naman nating palawigin ang pagbibigay ng libreng legal na tulong sa pamamagitan ng pagbuo ng mga partnerships kasama ang lawyers organizations at law firms sa lungsod.
Bubuo rin tayo ng isang centralized data dashboard at feedback mechanism upang sa gayon ay mas mapadali ang access sa impormasyon at makapagpaabot mismo ang ating mga QCitizens ng kanilang mga alalahanin o reklamo direkta sa mga departmento ng ating pamahalaang lungsod.
Kaugnay din ng Bayanihang QC o ng ating city-wide volunteer program, plano nating bumuo ng mga community centers kung saan mas maraming mga aktibidad ang pwedeng isagawa.
Patuloy lang ang trabaho at mga pagkilos ng ating siyudad para sa mabuti at bukas na pamamahala para sa QCitizens.
- Latest