^

PSN Opinyon

Sundin ang tamang proseso  

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

TUNGKOL ito sa testamentong ginawa ni Aurora may limang taon bago siya namatay. Kasal si Aurora kay Mike at may nag-iisa silang anak na babae, si Mila. Dalawang taon pagkamatay ni Aurora ay nagsampa ng petisyon sa RTC  ang executor o kinatawan niya na si Lita para aprubahan ang kasulatan ng testamento.

Ayon sa notaryadong testamento, ibinigay daw ni Aurora ang ikaapat na bahagi ng lupa na may sukat na 412.5 metro kuwadrado sa apong pamangkin na si Larry. Samantala, pinangalanan din daw ni Aurora sina Mike at Mila bilang mga tagapagmana niya.

Dahil sapat naman ang porma at laman ng testament, itinalaga ng RTC ang petsa ng pagdinig nito. Naglabas ng kautusan ang korte kung saan nakatakda ang petsa/araw at oras ng pagdinig sa kaso. Inilathala pa ito sa diyaryo.

Dumating ang petsang nakatakda sa pagdinig pero hindi nakarating sina Mike at Mila. Kaya dineklara na wala na silang karapatan na magkaroon ng partisipasyon sa kaso o sa madaling salita, “in default” na sila.

Nagsumite ng mosyon ang dalawa. Natanggap daw nila ang abiso tungkol sa kaso may dalawang araw lang bago ang pagdinig at dahil 78-anyos na si Mike at hindi maganda ang kalusugan ay hindi sila agad nakakilos para protektahan ang kanilang interes.

Si Mila naman daw ay hindi nakadalo sa pagdinig dahil sa kahirapan kaya kahit natanggap niya ang abiso ay wala rin siyang nagawa. Dahil wala silang nalalaman sa batas, hindi raw sila agad nakakuha ng abogado na haharap para sa kanila.

Iyon nga lang, hindi pinagbigyan ng RTC ang mosyon ng dalawa. Nakakuha na kasi ng kapangyarihan sa kaso ang korte dahil sa paglalathala ng mga abiso. Humingi pa rin ng kunsiderasyon sila Mike at Mila. Bilang mga pangunahing tagapagmana, may karapatan daw sila na makialam sa pagdinig sa pag-apruba ng korte sa testamento lalo at kinukuwestiyon nila ang estado ng katinuan ni Aurora nang gawin niya ang dokumento.

Idagdag pa na conjugal property o pag-aari ng mag-asawa ang babawasan ng parte ni Larry sa lupa. Sa kabila nito, ibinasura pa rin ng RTC ang mosyon. Tama ba ang RTC?

MALI. Sa ilalim ng batas (Sec.4, Rule 76) dapat na personal na bigyan ng abiso ng korte ang mga sangkot na tagapagmana at ipadala sa kanilang huling nakalistang tirahan sa mga naririto sa  Pilipinas. Dapat din na magtalaga ng araw at oras sa pagdinig. Dapat na sundin ang lahat ng panuntunan na ito para masunod ang tamang proseso sa batas.

Alinsunod sa Sec. 4, Rule 76, ang personal na pagpapadala sa sulat sa (1) post office kasama ang bayad sa selyo sa loob ng 20 araw bago ang petsa ng pagdinig, o kaya (2) personal na pagdadala nito sa bahay ng sangkot sa loob ng 10 araw bago ang pagdinig.

Sa kaso ni Mike, walang pruweba na natanggap niya ang sulat 20 araw bago ang pagdinig at kahit pa sabihin na personal na ipinadala ang abiso ay hindi pa rin ito sumusunod sa dinidikta ng batas dahil dalawang araw lang ang palugit mula matanggap niya ang sulat at ang pagdinig. Hindi rin masasabi na marunong sa mga proseso sa batas si Mike dahil 78-anyos na siya at sakitin. Hindi siya makakakilos agad kahit pa natanggap niya ang abiso. Nagkamali ang RTC nang ideklara nito na “in default” sina Mike at Mila.

Hindi puwedeng isantabi ang kondisyon ng batas tungkol sa personal na pagpapadala ng abiso at hindi rin ito malulusutan dahil lang inilathala sa diyaryo. (Racca and Racca vs. Echague, G.R. 237133, January 20, 2021).

vuukle comment

NOTARYO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with