EDITORYAL - Itigil, pagpapadala ng Pinay DHs sa Kuwait
(Pilipino Star Ngayon) - June 17, 2019 - 12:01am

SOBRA na ang ginagawa sa mga Pinay domestic helpers sa Kuwait. Dapat nang magpasya ang gobyerno ng Pilipinas para sa permanenteng pagpapadala ng Pinay DHs doon. Hindi na katanggap-tanggap ang ginagawang pang-aabuso ng mga Kuwaiti sa kabila na may nilagdaang kasunduan ang Kuwait na puproteksiyunan ang OFWs doon.

Hindi pa nasisimulan ang pag-iimbestiga sa pinatay na DH na si Constancia Dayag noong Mayo 14, meron na namang bagong biktima ang mga Kuwaiti. Isang Pinay DH na katutuntong lamang sa Kuwait ang ginahasa ng isang pulis. Nagpatulong umano ang Pinay sa pulis habang nasa airport dahil kararating lamang nito at hindi alam ang gagawin. Pero sa halip na tulungan, dinala ito sa disyertong lugar at ginahasa.

Nahuli naman agad ang pulis at ayon sa report, kinasuhan na. Sana totoo ang balitang ito at hindi katha-katha lamang ng Kuwaiti government.

Patuloy namang naghihintay ng hustisya ang mga kaanak ng pinatay na si Constancia Dayag. Hanggang ngayon, mahigit isang buwan na ang nakararaan, wala pang balita sa karumal-dumal na krimen. Wala pang malinaw na balita kung umuusad ang kaso laban sa employer ni Dayag, na ayon sa report ay ang may kagagawan sa krimen. Isinugod sa ospital ang 47-anyos na si Dayag, na puro bugbog ang katawan. Ang nakapanghihilakbot, may nakapasak na pipino sa kanyang ari.

Noong nakaraang taon, pinatay din ng kanyang amo si Joanna Demafelis. Natagpuan ang bangkay ni Demafelis sa isang freezer sa abandonadong apartment sa Kuwait. Pinatay siya sa sakal ng mga amo nitong Lebanese. Dahil sa pangyayari, agad ipinag-utos ni President Duterte sa Department of Labor and Employment (DOLE) na itigil ang pagpapadala ng domestic helper sa Kuwait. Nahuli ang mga pumatay at nangako ang Kuwait sa Pilipinas na puproteksi­yunan ang mga OFW doon. Lumagda ang Kuwait sa kasunduan. Hindi na raw mauulit ang mga pang-aabuso sa mga OFW sa Kuwait. Dahil sa paglagda ng Kuwait, inalis ng Pilipinas ang deployment ban.

Pero may nangyari na namang panggagahasa at pagpatay. Nasaan na ang pangako ng Kuwait? Seryoso ba ang bansang ito sa nilagdaan na puproteksiyunan ang OFWs? Kailangang magpasya na si President Duterte na itigil nang tuluyan ang pagpapadala ng DHs sa Kuwait. Kung hindi ito gagawin, magpapatuloy ang pang-aabuso, panggagahasa at pagpatay sa mga kawawang Pinay workers.

PINAY DOMESTIC HELPERS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with