Daming illegal campaign posters
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - February 16, 2019 - 12:00am

KAHAPON ng umaga umarangkada ang motorcade ng Comelec na nahati sa dalawang grupo sa pangunguna ni Comelec Director James B. Jimenez ng Education and Information Department. Ang puntirya niya ay ang mga illegal na mga campaign poster ng mga kandidato. Sa unang sigwada ng paglilibot ng Comelec, lantaran ang mga illegal poster na nakasabit sa mga poste, halaman, pader at gitna ng mga kalsada. Pawang mga labag ito sa tinadhana ng Comelec dahil wala sa common poster places. Ika nga ang mga tusong pulitiko ay tahasang lumabag sa reglamento kaya ang ginawa ng ilan sa mga nanggagalaiting opisyales ng Comelec ay pinagbabaklas­ at ang ilan nama’y kinunan na lamang ng larawan upang maidokomento sa ihahaing kaso.

Ngunit may kahihinatnan naman kaya ang pakulo ng Comelec dahil likas na mga tuso ang mga trapong pulitiko at palaging may palusot upang mapanatili nila ang kanilang kasakiman. Ang dehado rito ay ang mga bagong sulpot na pulitiko dahil lahat ng makinarya ay kulang sila at lalong lubog sila sa usaping pagpakilala sa kanilang malinis na ambisyon sa pulitika dahil kapos sila sa budget. Get n’yo mga suki?

Kung sumunod lamang sa tamang alituntunin ang lahat ng kandidato ay tiyak na may semplang itong mga trapong pulitiko sa mga bagong sibol ngayon, kasi nga halos lahat ng mga trapong pulitiko ay may bahid na ng korapsyon at pagmamalabis sa kapangyarihan, subalit dahil nga sa nagkamal na ito ng limpak-limpak na datung ay kaya na nilang suhulan ang lahat ng mga bala­kid sa kanilang paghahari-harian. Ewan ko lang kung uubra pa itong mga lumang estilo ng mga trapong pulitiko sa admi­nis­trasyon ni Pres. Rodrigo Duterte.

* * *

Sunud-sunod ang pagkakalambat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police ng bultu-bultong droga sa mga warehouse sa Cavite. Noong Miyerkules, nakakumpiska ng 36 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P244.8 milyon sa isang bahay sa Bgy. Paliparan 1, Dasmariñas, Cavite. Pero bago ito, natunton muna ng mga tauhan ni PDEA director General Aaron Aquino ang mga nakatagong shabu sa Dasmarinas, Cavite at nahuli sa buy bust operation sina Patrick Bankee at Alexander Jun Wah Ting Lee  ng Bgy. Talayan, Quezon City. Tinatayang P13.6 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa mga ito. Iyon ang naging giya upang matunton ang nakatagong shabu sa Bgy. Paliparan, Dasmarinas na iniuugnay din sa 274 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P1.9 bilyon sa Tanza, Cavite.

Ayon kay Aquino nasa high value target sina Bankee at Lee  na matagal na nilang sinusubaybayan. Malaki rin ang hinala ni Aquino na sa mga dalampasigan na ngayon pinadadaan ang droga dahil sa super higpit na ngayon ang mga pulis. Subalit sa kabila ng walang humpay na paghahagilap ng PDEA at pulis sa mga salot na droga patuloy pa rin itong nakakapuslit. Patunay nito ay ang walang humpay na Special Anti-Criminality and Law Enforcement Operation sa ilalim ng pamumuno ni S/Supt. Rogelio Simon ng Makati City Police Station kung saan napupuno ng mga adik at kriminal ang police station. Sa Quezon City Police District walang humpay din ang pakikipagsagupa ng mga tauhan ni C/Supt. Joselito Esquivel sa mga durugista at gunrunners. May gayon ding accomplishment si C/Supt. Rolando Anduyan sa Northern Police district dahil malaki ang hinala na ang shabu ay dinadaan ngayon sa dagat.

Tinatawagan ko ng pansin si Philipine Coast Guard Admiral Elson E. Hermogino at Capt. Armado Balilo na paigtingin ang pagbabantay sa ating karagatan. Kung may katotohanan itong nasagap na impormasyon ni Director Aquino, nararapat lamang na ikalat ang mga bagong barko upang mahabol ang mga nagbabagsak ng droga sa laot. Maging itong mangingisda na sumasambot sa mga ihinuhulog na droga ay dapat ding lambatin nang matigil na ang pagpasok ng droga sa bansa. Abangan! 

ILLEGAL CAMPAIGN POSTERS JAMES B. JIMENEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with