^

PSN Opinyon

‘Isang makakaalis, isang maiiwan’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

HINDI IBIG sabihin na nasa ibang bansa ka ay maganda na ang buhay mo dahil nakatapak ka ng ibang lugar. Nangangahulugan lang ito na kailangan mong kumayod ng doble at magtiis.

Unang inihingi sa amin ng tulong ni Vilma Cuartero ang tungkol sa kanyang kapatid na si Mary Jean Junio na nagtatrabaho bilang Household Service Worker (HSW) sa Kuwait.

Nahihirapan siyang makausap ang kanyang mga kamag-anak dahil pinagbabawalan siya ng kanyang amo na gumamit ng cellphone.

Pitong buwan pa lang sa ibang bansa si Mary Jean ngunit naka-limang lipat na siya ng amo. Palagi daw itong binebenta ng kanyang amo.

Ang ahensyang J-MAC Manpower Int’l ang nagiging takbuhan nila kapag may problema si Mary Jean. Nangako daw itong ire-rescue si Mary Jean ngunit hindi naman nangyayari.

“Nag-aalala na kami sa kapatid ko dahil nagtangka na itong tumalon sa bintana para makatakas mabuti na lang at may Pilipina na nakakita sa kanya kaya napigilan,” ayon kay Vilma.

Maliban sa pagbabawal ng amo na kumontak sa pamilya si Mary Jean ay sinasaktan pa daw ito ng kanyang employer.

Hinahampas siya sa likod at itinutulak palabas ng kwarto. Ipinapahiya din ito sa maraming tao kapag nasa labas sila. Nagagalit din ang kanyang amo ng walang dahilan.

“Gusto na lang umuwi ng kapatid ko dahil natatakot na siyang maibenta na naman. Hindi niya alam kung saang lugar na naman siya dadalhin,” sabi ni Vilma.

Iba’t-ibang uri ng amo ang nakasalamuha ni Mary Jean ngunit hindi siya pinapalad na mapunta sa  mabait na employer.

Kung hindi siya sinasaktan at pinagbibintangan ng kung anu-anong bagay.

Ang pinakahuli naman niyang naging amo ay mukhang may problema sa pag-iisip. Ayon sa mga tao sa paligid ay walang tumatagal dun dahil hindi maganda ang ugali.

“Baka naapektuhan ang utak dahil iniwan siya ng asawa at namatayan pa ng anak,” sabi ni Vilma.

Hindi nakakapagpahinga ng maayos si Mary Jean sa dami ng inuutos ng amo. Sumasailalim ang kanyang employer sa ‘dialysis’ kaya’t nangangamba siyang lumipat sila ng bahay.

Upang matulungan si Mary Jean ay lumapit kami kay former Undersecretary Rafael Seguis na patuloy pa ding umaasiste sa ating mga kababayang OFW.

Nakarating ang aming kahilingan kay Amb. Renato Villa at nangakong aalamin niya ang tungkol sa naging kaso ni Mary Jean.

Magandang balita ang sunod na natanggap namin na nakuha na ng embahada si Mary Jean mula sa kanyang amo at nai-turn over sa Public Authority for Manpower (PAM) shelter para maasikaso ang kanyang repatriation.

Ang mga opisyal ng PAM ay dinala si Mary Jean sa Office of Domestic Workers Affairs of Interior Ministry para sa kanyang passport at para maaprubahan ang kanyang repatriation.

Ika-22 ng Hunyo 2017 nang makatanggap kami ng balita na ibinigay na ng employer ni Mary Jean ang kanyang pasaporte, tiket pauwi ng Manila at ang isang buwang sahod na hindi nababayaran.

Nakatakda siyang makauwi ng bansa ng Hunyo 26, 2017, pansamantala siyang nasa POLO shelter habang hinihintay ang kanyang pag-uwi.

Maliban kay Mary Jean humihingi din ng tulong sa amin si Allan Gabayno tungkol sa kanyang asawang si Cynthia Gabayno na kasalukuyang nasa Jeddah.

Ayon kay Allan ay tapos na ang kontrata ng kanyang asawa ngunit ayaw pa itong pauwiin ng kanyang amo.

Disyembre nung nakaraang taon dapat ay nakauwi na si Cynthia ngunit hindi ito nangyari dahil ayaw ng kanyang employer.

Nakipag-ugnayan sa Ortiz Agency ang pamilya Gabayno dahil ito ang nagpaalis sa kanya sa bansa ngunit sagot ng mga ito wala daw silang magagawa dahil lampas na sa kontrata.

“Gustung-gusto na umuwi ng asawa ko. Hirap din ka­ming makontak siya dahil kukunin ng amo niya ang kanyang cellphone. Wala kaming matakbuhan dahil ang agency ay hindi kami tinutulungan dahil tapos na ang kontrata niya,” pahayag ni Allan.

Nakadagdag pa sa pag-aalala ni Allan ang tungkol sa working visa ni Cynthia na mapapaso na ngunit mukhang walang balak ang amo nitong i-renew ito.

Nang makuha namin ang address ng kinaroroonan ni Cynthia ay ipinarating din namin ito sa kinauukulan hanggang sa makaabot ang aming kahilingan sa embahada.

Nagkaroon din ng numerong ginagamit sa pagtawag sa kanyang pamilya si Cynthia kaya mas madali siyang nakausap.

Sa email na aming natanggap mula kay Consul General Rodney Jonas Sumague nakausap na daw nila si Cynthia.

Kinumpirma sa kanila ni Cynthia na hindi siya pinapauwi ng kanyang amo kahit na tapos na ang kontrata nito. May mga sahod din siyang hindi nito binabayaran.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa POLO/OWWA ang ating embahada para makontak ang kanyang employer at ganun na din ang kanyang ahensya sa Pilipinas upang maproseso ang pagpapauwi sa kanya sa bansa.

Sa puntong ito nais naming magpasalamat kay former Usec. Seguis sa patuloy na pag-asiste sa amin sa mga kababayan nating nagkakaroon ng problema sa ibang bansa.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with