Mas ligtas ba ngayon?
TUKOY na raw ng PNP ang suspek sa pagpatay kay Danica Mae Garcia, 5. Siya ang pinakabatang biktima ng kasalukuyang “digmaan” kontra iligal na droga. Ang target ng mga mamamatay-tao ay ang kanyang lolo, na una nang sumuko sa pulis dahil nasa listahan nila umano ng mga sangkot sa droga. Ayaw pang pangalanan ng mga otoridad ang suspek, pero nasa rogue gallery na raw nila ito. May kasong murder daw noong 2013, at kilalang drug pusher. Kaya ang tanong, kung napakatindi ngayon ng kampanya laban sa iligal na droga, bakit buhay pa itong taong ito, kung matagal na palang nasa listahan ng PNP? Sa madaling salita, tatlong taon na siyang malaya? At ngayon, dahil hindi pa nga nahuhuli o napapatay ng PNP, nakapatay pa ng bata.
Kung mahuhuli ang suspek na ito, ang mahalaga ay mahuling buhay para malaman kung ano ang dahilan bakit tinarget ang lolo ni Danica Mae, at kung may nag-utos sa kanya na patayin na ang lolo. Pero parang nakikita ko na manlalaban ito, kaya mapapatay na rin ng mga pulis kapag hinuli na. Kaya madadala na lang niya ang lahat ng kanyang nalalaman sa libingan.
Ayon kay Sen. Leila de Lima, may mga grupo ng armadong tao na nakasibilyan at may takip ang mga mukha. Sino ang mga ito? Ito na ba ang mga “death squads” na pumapatay sa mga nasa listahan o sangkot sa iligal na droga? Ang pumatay ba kay Danica Mae ay miyembro ng “death squad” kaya hindi pa nahuhuli ng mga otoridad kahit may kaso na? Sino naman ang nag-uutos sa mga ito na pumatay na lang?
Nagiging laman ng international media ang mga kaganapan ngayon sa bansa, partikular ang mga namamatay na sa digmaan kontra iligal na droga. Ano ang epekto na nito sa bansa, lalo na sa turismo, sa ekonomiya? Alam ko sumasama ang estado ng bansa sa larangan ng human rights, bagay na walang pakialam ang gobyerno. Pero may epekto na ba sa ibang bagay? At kung may mga “death squads” na aktibo na nga ngayon sa buong bansa, mas ligtas ba ang pakiramdam ninyo?
- Latest