^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ayuda sa jeepney drivers, pag-isipan

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Ayuda sa jeepney drivers, pag-isipan

Natapos na ang palugit ng gobyerno sa mga jeepney drivers at operators para mag-consoli­date sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Wala nang extension na ibinigay at maaring sa mga susunod na araw o linggo, ay huhulihin na ang mga bumibiyaheng jeepney dahil colorum na. Ang mga mahuhuli ay ii-impound ang mga jeepney.

Marami sa drivers na tanggap na ang kahihinatnan kaya mayroon nang kinakatay ang kanilang kakarag-karag na jeepney at pinakikilo para mapakinabangan. Marami rin naman ang nananatiling lumalaban at ayaw pasakop sa jeepney modernization. May mga transport group na nagbabanta ng tigil-pasada. Paparalisahin umano nila ang transport sector. Hindi raw sila titigil hangga’t hindi nakikinig ang pamahalaan sa kanilang kahilingan.

Habang may lumalaban sa PUVMP, marami rin naman ang pabor dito at pinapayuhan ang mga suma­salungat na itigil na ang pag-i-strike dahil hindi na ito uso. Pero marami pa rin ang pinaggigiitan ang kani­lang karapatan.

Noong isang araw, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bibigyan nila ng ayuda ang mga jeepney drivers na apektado ng PUVMP. Ayon kay DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao, handa na sila para bigyan ng ayuda ang mga driver na apektado ng jeepney modernization. Kahit wala pa raw silang natatanggap na utos ukol dito, ready na sila sa pamamahagi ng ayuda.

Kabilang sa mga ipagkakaloob ng DSWD sa jeepney drivers ay pagkain at cash assistance. Nasa ilalim umano ito ng Assistance to Indivi­duals in Crisis Situa­tion (AICS) at livelihood programs sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).

Maganda naman ang balak ng DSWD na pamamahagi ng ayuda sa mga maaapektuhang jeepney driver. Kaya lamang, dapat maging maingat at mapanuri ang DSWD kung sino ang mga driver na pagkakalooban ng ayuda. Baka ang mga mapagkalooban ay mga driver na sutil na laging nagbabanta ng tigil pasada. Hindi dapat mabigyan ng tulong ang mga sumasalungat sa modernisasyon. Masyado namang napakabait ng pamahalaan na pati ang mga lumalaban sa PUVMP ay pagkakalooban ng ayuda. Isang malaking kamalian kung ito ang naiisip.

Ipagpatuloy naman ng pamahalaan ang jeepney mo­dernization. Huwag hayaang may humadlang sa pagkakamit ng modernisasyon na ilan taon nang naudlot dahil sa pagtutol ng iba na ang sariling interes ang naiisip.

Nasa tamang landas na ang PUVMP kaya dapat tuluy-tuloy na ito hanggang sa makamit ang matagal nang inaasam na pagbabago sa public transportation.

vuukle comment

PUVMP

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with