^

‘Mukhang ?era (?)’

- Tony Calvento (Pilipino Star Ngayon) - September 9, 2013 - 12:00am

ANG BOSES dapat lumalakas pag may mali tayong nakikita at hindi humihina pag nakakita ng pera.

Nagkaambahan, inawat ngunit nauwi pa din sa pananaksak. Ganito ang balitang natanggap ni Rosalinda Baccay o “Rose”, 61 taong gulang, taga Mandaluyong nang sumunod sa kanya sa Bicutan Jail ang manugang na si Sophia. Dinalaw niya ang asawang si Reynaldo Baccay Sr., na nakakulong dun.

Agad siyang umuwi sa kanila at pagdating niya saka niya napag-alamang si Edgardo Macabeda, 37 taong gulang ang nanaksak sa kanyang anak na si Reynaldo Baccay Jr., o “Junior”.

Agad na dinala si Junior sa Mary Johnston Hospital ngunit ito’y ‘dead on arrival’ habang ang akusado ay kusang sumuko at agad na dinala sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Manila.

“Nagkaroon sila ng away dati ni Edgardo pero naayos na yun sa barangay,” wika ni Rose.

Ilang minuto pa lang sila sa kanilang bahay pinatawag sila sa barangay kasama ang testigong si Rochelle Saludar. Nandun din ang kapatid ni Edgardo na si Nene, si Kapitan Ricardo Aguinaldo at ang sekretarya ng barangay na si Beth.

Ang manugang na si Sophia na umano ang humarap sa pamilya ng akusado. Narinig niyang pinag-uusapan nila ang tungkol sa areglo.

“Kung hindi kayo papayag sa areglo bahala kayo sa patay ninyo!” sabi umano sa kanya ni Nene.

Nang araw din yun nagbigay ng testimonya ang testigong si Rochelle Baccay. Ayon dito bandang 7:45 ng gabi ng Oktubre 22, 2005 nakaupo siya sa dyip sa labas ng kanilang bahay.

“Dumating ang kuya kong si Junior at inutusan akong bumili ng sigarilyo sa tabi lang ng kinaroroonan ko,” salaysay nito.

Ilang sandali ang nakalipas nang makita niyang nag-aaway at nag-aambahan ng suntok ang kanyang kuya at si Edgardo.

“Naawat sila at pinipigilan si Edgardo ng asawa’t ina niya pero nakawala pa rin siya at sinugod ang kuya ko at sinaksak niya ng dalawang beses sa dibdib at kaliwang tagiliran,” ayon sa salaysay.

Ipinakita kay Rochelle ng imbestigador ang isang matalas na bagay na may siyam na pulgada ang haba. Agad niya itong nakilala bilang ginamit ng akusado sa pagsaksak sa kanyang kapatid.

Agad niya din nakilala si Edgardo at ituro niya ito na may kagagawan ng pananaksak. Kilala niya na daw ito mula pagkabata. Ang salaysay ni Rochelle ang dahilan ng pagtibay ng kasong ‘Murder’.

Hindi pa nagsisimulang maagnas ang bangkay ng biktima ang asawa ni Junior na si Sophia ay nagbigay ng salaysay na hindi na siya interesadong ituloy ang kaso.

“Kami ay mag-aareglo na lang para mailibing ng maayos ang aking asawa,” ani Sophia.

Nabigyan umano ng halagang PHP 25,000 si Sophia ng kampo ni Edgardo.

Ilang araw lang ang nakalipas nagbigay ng salaysay ang testigong si Rochelle na binabawi niya ang kanyang unang salaysay.

Magulo lamang umano ang kanyang isipan at ang totoo ay madilim ang kapaligiran kaya hindi niya nakita ng malinaw kung sino ang sumaksak.

Naituro lamang umano niya si Edgardo dahil ito’y nandun lamang sa lugar na yun at dun lamang nakatira at dati nang nakaalitan ng kapatid.

“Pinalaya ang pumatay nang mabayaran ang anak at manugang ko,” ayon kay Rose.

Dahil sa dalawang salaysay na ibinigay ni Rochelle na tanging testigo sa naturang pananaksak, tinimbang ito ng Prosecutor. Naglabas ng resolusyon si Asst. City Prosecutor Dennis Aguila noong ika-26 ng Marso 2008.

Ayon dito mas binibigyan niya ng timbang ang unang testimonya ni Rochelle sa kadahilanang ito ay kinokonsiderang parte ng res gestae o ang unang bulalas at kilos ng isang testigo pagkatapos o habang nagaganap ang isang insidente kaya ito’y maiituturing na kapani-paniwala at katanggap-tanggap na ebidensiya.

Ang positibong pagturo sa akusado na sumaksak sa biktima ay isa sa dahilan kung bakit nakitaan ng probable cause ang kaso.

Ibinababa din sa homicide ang  kaso dahil ang dalawang kampo ay mula sa isang mainitang pagtatalo.

Ika-20 ng Pebrero 2011 nang mahuli ang akusado.

Ang nais na malaman ni Rose ay kung ano pa ang kailangan nilang gawin sa susunod nilang hearing.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Rose.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, Maari pa rin ituloy ng ina ni Junior na si Rose ang kaso dahil kahit sinong interesadong partido ang maaring tumayo sa kasong ito.

Bagamat napakahirap na ang ‘eye witness’ at asawa ng biktima ang babaliktad upang pumabor sa kabila matibay ang unang salaysay nitong si Rochelle.

Ikaw Rochelle, kuya mo ang pinatay. Sapat ba ang pera para kalimutan at hugasan ang krimen na ginawa ng akusado? Ang pagbibigay ng pera sa mga biktima na parang tulong ay sa sibil na aspeto lamang ng kaso at hindi ito nangangahulugan na mapipigil ang ikot ng gulong ng hustisya.

Mas binigyang timbang ng prosecutor ang unang testimonya dahil ito ay ang unang mga sinabi ng testigo.

Ang korte o prosecutor ay nakasimangot sa mga pagbawi ng testimonya dahil ito ay malamang nagkaroon ng bigayan ng pera o suhulan para maiba ang ihip ng hangin pabor sa akusado.

Kailangan umupo si Rochelle para magpaliwanag sa hukom kung bakit niya biglang binabago ang kanyang testimonya.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa tocal13@yahoo.com. Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

AKUSADO AYON EDGARDO ILANG MAARI NIYA ROCHELLE SALAYSAY
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with