Ni-raid na POGO hub sa Pasay, ininspeksyon ng mga senador
MANILA, Philippines — Ininspeksyon nina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian sa isang six-story POGO building sa Pasay City na dito nakita ang umano’y torture chamber, KTV rooms, canteens, barber shops, restaurants at spa rooms.
Matapos ang inspeksyon ay nagsagawa agad sila ng pagdinig ukol dito.
Hiniling naman ni Gatchalian na isubpoena ang tatlong executives ng kamakailan ay ni-raid na POGO hub dahil sa bigat ng usapin.
Inaprubahan naman ni Hontiveros, chairman ng Senate committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na siyang nanguna sa imbestigasyon ang kahilingan ni Gatchalian at pina-subpoena sina Kevin Bautista de Jesus, director; Fidel Mignon Curitana Sarausad, director at Delia Abaratigue Montibon, director at treasurer.
Ang tatlo ay kabilang sa guest list ng komite subalit hindi sila dumalo sa pagdinig.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay naghain si Gatchalian ng resolution para sa imbestigasyon ng POGO hub sa Pasay City na umano’y mayroong iba’t ibang illegal na aktibidad tulad ng sex trafficking at love and crypto scams.
Naniniwala naman si Gatchalian na ang Pilipinas ay naging “human slavery hub of the world”.
“May sex den, meron pang torture chamber. Nasabi ko nga kanina, hindi magagawa ito ng mga ordinaryong kriminal. Ito ay ginagawa ng mga organized, nandito na sila sa Pilipinas. Katabi lang ng [Department of Foreign Affairs] office, katabi lang ng police station, malapit lang sa Senado,” giit pa ng Senador.
- Latest