Van ni Kim Chiu, sadyang inabangan ng tandem
Kita sa kuha ng CCTV
MANILA, Philippines — Sadyang inabangan ng mga gunmen ang sinasakyang van ng actress na si Kim Chiu mula sa paglabas nito sa subdivision at sinundan hanggang sumapit sa stoplight ng Katipunan Avenue corner CP Garcia Avenue, Brgy. UP Campus, saka doon tuluyang niratrat, kamakalawa ng umaga.
Ito ang lumilitaw ngayon sa isinasagawang imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) Kim Chiu makaraang makakuha ng CCTV footage ang pulisya.
Sinabi ni Quezon City Police District Criminal Investigation and Detectoin Unit (QCPD-CIDU) chief P/Major Elmer Monsalve, hawak na ng SITG ang CCTV footage mula sa paglabas ni Kim Chiu sa subdivision.
“Kung papaano dumaan ‘yung sasakyan nitong aktres na si Kim Chiu, makikita mo na nag-iisa lang siya. Tapos may biglang sumulpot na isang motor na naghihintay na roon sa labas ng subdivision,” ani Monsalve.
Ayon kay Monsalve, nakaabang na talaga ang gunman sa paglabas ng sasakyan ng actress.
Sa ngayon ani Monsalve ay patuloy pa ang kanilang pangangalap ng ebidensya para alamin kung ang insidente ay isang “mistaken identity”.
“Mistaken identity talaga ang isa sa malakas na tinitingnang anggulo ngayon ng SITG, bagama’t may mga bagong development sa kaso sa isinasagawang pagsisiyasat.
“Kasi kung titingnan mo naman si Kim Chiu, sa kanyang background at character, hindi mo makitaan ng mayroon siya nakagalit o nakatalo,” sabi pa ni Monsalve.
Inihayag pa ni Monsalve na nirerekober na nila ang footage ng aktuwal na lokasyon kung saan nangyari ang pamamaril sa aktres.
Kaugnay nito, binigyan ng security escort ng QCPD ang actress upang matiyak ang kaligtasan nito habang patuloy pa ang isinagawang pagsisiyasat sa insidente.
- Latest