UN rapporteur pinalagan ng NTF-ELCAC
MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga akusasyon sa ulat ni UN Special Rapporteur Irene Khan na nagsasabing banta umano sa civic space sa Pilipinas ang nasabing task force.
Sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto C. Torres Jr., layunin ng task force na buksan at manawagan sa international community na pakinggan ang mga biktima, hindi lamang ang mga lobbyist.
Binigyang-diin ni Torres ang pakikipag-ugnayan ng task force sa mga paaralan, simbahan, at komunidad ng mga dating rebelde bilang patunay ng malawak na pagkilos para sa inklusibong kapayapaan. “Ngayon, ang mga guro at estudyante ay malayang nakikilahok sa mga talakayan kasama ang mga dating rebelde. Ang mga faith-based groups ay katuwang sa pagpapagaling ng mga komunidad na niluray ng sigalot,” ani Torres.
Sa ulat ni Kha, inirerekomendang buwagin ang NTF-ELCAC bunsod ng umano’y red-tagging at pananakot sa civil society groups.
Ngunit itinanggi ni Torres ang mga batayang ito, at nilinaw na ang tinatawag ng ilan na red-tagging ay madalas pawang pagsisiwalat ng katotohanan.
“Hindi ito red-tagging kapag binabanggit namin ang casualty lists o arrest records ng mga kasapi ng NPA na may dobleng katauhan bilang youth leaders sa tinatawag na national democratic organizations,” dagdag pa ni Torres.
- Latest