Smartmatic dapat managot sa script change - Comelec
MANILA, Philippines - Pinananagot ng Commission on Elections (Comelec) ang technology provider na Smartmatic sa kontrobersiyal na pagpapalit ng script ng transparency server na ginamit noong nakaraang halalan.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Commissioner Rowena Guanzon na hindi umano hiningi ng Smartmatic ang kanilang permiso sa pagpapalit ng script na indikasyon umano ng “breach in protocol.”
Paliwanag ni Guanzon, hindi umano pag-aari ng Smartmatic ang automated election. Aniya, pag-aari ito ng Comelec at ng gobyerno. Hindi umano dapat agad-agad na nagpapalit o nag-iiba ng kahit anong bagay ang Smartmatic ng walang permiso mula sa Comelec.
Dahil dito, sinabi ni Guanzon na hihilingin nila ang pagsasagawa ng formal investigation” upang malaman ang posibleng pananagutan ng Smartmatic maging ang tauhan ng Comelec.
Aalamin kung sino ang pinagbigyan ng Smartmatic ng password upang mabago ang script na hindi awtorisado. Sigurado ang Comelec na hindi umano sa kanila galing ang pagbabaho sa script.
Nagpapasalamat na lamang sila na hindi naapektuhan nito ang resulta ng botohan.
Titignan din ng Comelec kung magiging dahilan ito ng pagba-black list sa kontrata ng Smartmatic sa mga susunod na halalan. Posible din umanong mabinbin ang bayad sa Smartmatic.
Ipinaliwanag naman ni Marlon Garcia ng Smartmatic technical support na mayroon lamang konting mali sa ‘ñ’ at ? sa pangalan ni Senator Serge Osmeña na kailangang ayusin. Tiniyak nitong hindi naapektuhan ang resulta ng mga boto.
Ngunit para kay Guanzon, nakakapanghina ng tuhod ang nangyari dahil maraming mata ang nakabantay sa Comelec at sa boto.
Bagamat walang ginawang mali, posibleng may ibang isipin ang publiko lalo na’t nagkakagitgitan sina Sen. Bongbong Marcos at Rep. Leni Robredo sa pagka-bise presidente.
- Latest