Presidentiables nagkainitan sa debate
MANILA, Philippines – Mas mainit ang naging balitaktakan ng mga presidential bets sa ikalawang round ng Pilipinas Debates 2016 na ginawa sa Performance Art Hall sa Cebu kung saan tumayong host ang TV5.
Unang nagkainitan sina Vice Pres. Jejomar Binay at Sen. Grace Poe sa isyu ng pagiging citizenship at korapsyon.
Tahasang binira ni Binay si Poe dahil ikinahihiya umano ng senadora ang pagiging Pinoy citizen nang manumpa ng oath of allegiance sa pagiging American citizen nito.
Sinagot naman ni Poe si Binay at sinabing mas mainam na umalis sa bansa at bumalik upang magsilbi sa mamamayan kaysa magnakaw at pangulimbat.
Sagot naman ni Binay, kung makapagsalita si Poe ay parang convicted na siya.
Sinabi ni Binay na hangga’t walang desisyon ang korte ay mananatiling paratang ang lahat ng mga isinampang kaso laban sa kanya.
Sunod na nagkainitan sina Binay at Roxas sa isyu ng MRT deal at sa isyu pagnanakaw ng pondo ng gobyerno.
Inakusahan ni Roxas si Binay ng korapsyon kaya sinagot at harapang sinabi ni Binay kay Roxas na siya ang magnanakaw.
“Ikaw ang magnanakaw sa MRT,” ani Binay kay Roxas.
Inihalimbawa pa ni Binay si Roxas sa isang disipolo na may 1,000 kasinungalingan.
Sa tanong ng isang panelist kung sino sa mga presidentiables kapag nanalo sa halalan ang magpapasa ng Freedom of Information bill, sinabi ni Binay na agad niyang ipapasa ang panukalang FOI sa pamamagitan ng executive order.
Dahil dito, sinabi ni Poe na maraming katanungan sa Senado kay Binay at paano umano makakasiguro na maipapasa nito ang tunay na FOI bill kung may mga alegasyon sa korapsyon sa huli at bigo niyang sagutin ito sa Senado hinggil sa assets and liabilities, isyu sa graft and corruption at transparency.
Dahil dito, hinamon ni Binay ang kanyang mga kasamahang presidential bet na sabay-sabay silang lumagda ng waiver upang sumailalim sa imbestigasyon ng AMLA upang mabuksan o masilip ang kanilang bank accounts at itinatagong assets.
Sinabi ni Duterte at Roxas na maaari silang lumagda pagkatapos ng debate pero ang kondisyon ni Duterte ay lalagda siya kung magwiwithdraw sa kandidatura ang may nakasampang kaso sa kanila (presidentiables).
Idiniin naman ni Binay na bagaman may kaso siya pero hindi pa siya napapatunayang nagkasala kaya walang dahilan upang siya ay umatras sa halalan.
Pinalakpakan naman si Binay nang igiit nito na mas kailangan ngayon sa bansa na mababaan ang tax ng mga empleyado na sumasahod ng P30,000 pababa kada buwan.
Nagkainitan din sina Poe at Roxas sa isyu ng korapsyon sa mga kaalyado ng LP na hindi nakakasuhan at tanging mga latak at hindi nila napapakinabangan sa partido ang nasasampahan ng kaso sa Ombudsman o korte.
Iginiit naman Roxas na walang kinikilingan ang Tuwid na Daan ng administrasyon pagdating sa pagsasampa ng kaso sa mga hindi nila kaalyado o kaalyado man.
Dahil dito, iginiit ni Poe na isa sa kaalyado ni Roxas na si Secretary Abaya ng DOTC ay hindi pa rin nakakasuhan sa isyu ng milyun-milyong MRT deal.
Nang tanungin ng panel kung sino sa mga presidentiables ang pabor sa diborsyo sa Pilipinas, walang kandidato ang nagtaas ng kamay.
Sa ikalawang round ng debate, nagkainitan sina Duterte at Roxas sa isyu ng krimen at droga.
Binanatan ni Roxas si Duterte dahil sa sinasabing drug free sa Davao kaya ibinalik ni Duterte ang banat kay Roxas dahil sa pagiging kahinaan nito sa pagiging hepe ng DILG na may kontrol sa PNP at local government kaugnay sa pagsugpo ng krimen at droga.
Napikon pa si Roxas nang tahasang sabihin ni Duterte sa kanya na wala siyang nagawa sa DILG bilang kalihim tulad sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda at sa droga.
Iginiit naman ni Binay na nasa superbisyon lamang ang lokal gov’t at ang DILG ang responsable sa mga pagtutok sa mga kriminilidad sa bansa lalo na sa mga illegal drugs at pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.
Tila nagisa pa si Roxas at pinagtulungan siyang banatan nina Binay, Duterte at Poe dahil sa kanyang umano’y kahinaan sa pagiging DILG chief.
- Latest
















