Tres Queridas (51)
MATAPOS ang mahigit dalawang oras na paglalakbay sa dagat, nagpatuloy ang biyahe nina Celeste, Diana at Lani sa expressway patungong Maynila, Sa gitna ng madaling-araw, ang tanging nagbibigay ng hugis sa kalsada ay ang ilaw sa poste at ng mga sasakyang kasabay nila patungong lungsod.
Sa likurang upuan ng kotse, nakasandal si Lani habang mahimbing na natutulog dahil sa matinding pagod at epekto ng pampakalma.
Napapagitnaan siya nina Celeste at Diana, parehong gising ang mga isip, parehong nakaabang sa bawat kilos ni Jack na nagmamaneho ng kanilang sinasakyan. Wala sa kanilang dalawa ang nagtangkang matulog. Ang bawat bahagyang pagkabig ng manibela, ang pagtingin ni Jack sa rearview mirror, at ang paghikab ay mataman nilang binabantayan.
“Mga Ma’am, huminto muna tayo sa susunod na gasolinahan,” basag ni Jack sa katahimikan habang binabagtas ang expressway. “Kailangan nating magpakarga ng gasolina, at kailangan kong magkape.”
“Sige, Jack,” marahang sagot ni Celeste.
Ilang minuto ang lumipas, dahan-dahang pumasok ang sasakyan sa isang malaking gas station. Maliwanag ang paligid, ngunit kakaunti lang ang mga sasakyang nakaparada. Nang naiparada na nito ang sasakyan, ibinaba niya ang seatbelt. “May ipabibili po ba kayo?”
“Kape na lang para sa amin ni Diana, Jack. Salamat,” sagot ni Celeste.
Tumango si Jack at umalis patungo sa convenience store. Nang makalayo na ang ito, mabilis na lumingon si Diana kay Celeste.
“Susundan ko siya.”
“Mag-iingat ka,” sabi ni Celeste.
Dahan-dahang binuksan ni Diana ang pinto ng kotse at lumabas. Pumasok siya sa convenience store, nagpanggap na naghahanap ng tissue sa isa sa mga aisle, ngunit ang kanyang mga mata ay nakatutok kay Jack na nasa tapat ng counter. Nakita niyang bumili si Jack ng tatlong baso ng kape. Ngunit imbes na deretso agad pabalik sa sasakyan, lumabas si Jack sa kabilang pinto ng establisimento, patungo sa isang madilim na sulok sa gilid ng gusali kung saan nakatayo ang mga vending machine. Dahan-dahang sumunod si Diana. Nanatili siyang nakatago sa gilid ng pader.
Nakita ni Diana si Jack na may inilabas mula sa bulsa, isang maliit, itim, at lumang keypad phone. Alam ni Diana na hindi ito ang madalas gamiting telepono ni Jack dahil tandang-tanda niya na kulay orange ang smartphone nito.
Nanlamig ang mga kamay ni Diana habang pinagmamasdan ang mabilis na pagpindot ni Jack sa maliit na screen at pagtatapat nito sa kanyang taynga. Tense ang tayo ng bodyguard, bahagyang nakayuko ang ulo, at nakalingon sa paligid upang siguraduhing walang nakakakita sa kanya. (Itutuloy)
- Latest

















