Tres Queridas (52)
“NASA biyahe na kami...” mariing sabi ni Jack sa kabilang linya. “Oo, papuntang Mandaluyong. Nasa expressway na kami.”
Tumigil ang tibok ng puso ni Diana.
Mandaluyong.
Ito ang mismong lokasyon na ibinigay nila bilang pain, ang kunwaring lokasyong sinabi nilang itatago si Lani.
Bago pa man lumingon si Jack pabalik sa direksiyon ni Diana, mabilis at tahimik na napaatras si Diana. Mabilis siyang bumalik sa sasakyan, binuksan ang pinto, at pumasok sa tabi ni Celeste.
“Diana? Anong nangyari?” tanong ni Celeste nang mapansin ang matinding pamumutla ng mukha nito.
Sa halip sumagot, inilabas ni Diana ang cell phone at tinext kay Celeste ang sitwasyon: “Gumamit siya ng spare phone. Narinig ko siya. May kausap siya at sinabi niya na papunta tayo sa Mandaluyong.’”
Nanigas ang katawan ni Celeste habang binabasa ang text. Yumakap ang matinding takot at galit sa kanyang dibdib. Kumagat si Jack sa pain.
Ngunit bago pa man makapagsalita si Celeste, bumukas ang pinto sa gilid ng driver’s seat. Pumasok si Jack bitbit ang isang tray ng tatlong baso ng kape. Isinara niya ang pinto at inabot ang dalawang baso sa likod.
“Eto po ang kape n’yo, Ma’am Celeste, Ma’am Diana,” maayos at malumanay na bati ni Jack.
Inabot ni Celeste ang kape, pilit na pinatitigas ang kanyang mga daliri upang hindi mahalata ang kanyang panginginig.
Bago buhayin ni Jack ang makina, lumingon siya sa dalawa sa likod. Seryoso ang kanyang mga mata, walang anumang bahid ng pagkakasala o pagkakabahala.
“Ma’am Celeste, Ma’am Diana,” panimula ni Jack sa kanyang karaniwang propesyonal na tono. “Habang nakapila ako sa loob kanina, ginamit ko ang pangalawang linya para tawagan ang supervisor ng security agency namin sa Maynila.” (Itutuloy)
- Latest

















