Body cam sa PNP operation, kailangan na!
Nalalagay na naman sa kontrobersiya ang PNP, dahil sa magkakasunod na insidente na pinagdududahan ng marami.
Nandiyan ang sinasabing madugong serye ng operasyon sa ibat-ibang lugar sa CALABARZON, na dito sinasabing siyam na aktibista ang nasawi.
Sa ulat, magsisilbi ng warrant ang mga awtoridad ngunit pumalag at nanlaban ang mga sisilbihan kaya nagkaroon ng putukan.
Sa kabilang panig naman, sinabi nilang hindi nanlaban ang mga nasawi kundi sadyang pinagbabaril ng mga kinauukulan.
Sumunod pa rito, ang pagkakapatay kay Calbayog City Mayor Ronald Aquino sa sinasabing insidente ng shootout. Pero ang sigaw ng kabilang panig hindi shooutout ang nangyari kundi ambush.
Bukod kay Aquino , lima ang nasawi sa insidente.
Sa ganitong mga pangyayari, mas lalong dapat nang masimulan ng PNP ang pagsusuot o paggamit ng mga body camera sa kanilang mga operasyon na siyang magsisilbing mata sa bawat kanilang pagkilos.
Kung suot-suot nila ang mga camera sa anumang operasyon na magpapatunay sa lahat ng kaganapan, mawawala ang agam-agam at pagdududa ng publiko lalo’t magkaroon ng kahalintulad na aberya.
May kabuuang 2,696 body cam ang binili ng PNP.
Bahagi nito ay nadeliber sa kanila at ngayon nga ay sinisimulan ang pagsasanay sa paggamit nito sa kanilang mga tauhan.
Pero mas makabubuti na masimulan na sa lalong madaling panahon ang paggamit at pagsusuot nito.
Hindi na kailangan pang pagtagalin pa.
Ang bawat kuha ng camera sa mga isinasagawang operasyon ng pulisya ay pisikal na ebidensya.
Batuhin man sila ng kung anu-anong paratang, hindi magsisinungaling ang ebidensya o ang kuha sa suot nilang body camera.
- Latest