Dyslexia: Isang disorder sa pagbabasa
HINDI natin madalas marinig ang salitang dyslexia. Kasama ito sa kondisyon kung saan ang taong mayroon nito ay itinuturing na “special.” Ang dyslexia ay isang reading disorder kung saan nahihirapan siyang ihiwalay ang isang salita mula sa pangkat ng mga salita o ang ilang letra sa loob ng isang salita. Ang mga batang dyslexic ay nahihirapang ipahayag na maigi ang sarili sa pamamagitan ng salita, o nahihirapang alalahanin ang mga numero at letra, pati na sa paglalapat ng tamang tunog at letra sa mga salita. Kung ang inyong anak ay waring hindi humuhusay sa “word-learning skills” sa kalagitnaan ng school year o sa pagtatapos ng kanyang pag-aaral sa Grade 1, baka kailangang ipasuri na siya para sa dyslexia.
Nangyayari ito dahil nahihirapan ang utak ng isang dyslexic na iugnay ang mga tunog ng salita sa letrang kumakatawan dito. May hindi maipaliwanag na nangyayari sa loob ng utak. Mas madalas na sa batang lalaki nakikita ito kaysa sa mga batang babae bagama’t may babae ring dyslexic. Masasabi rin nating nasa lahi ito.
Paano tayo magkakaroon ng ideya na baka may dyslexia ang bata? Mapapansin na nahihirapan siya sa spelling ng mga salita at sa mga aktibidad na kaugnay ng pagsusulat. Nahihirapan din silang magbasa nang maayos. Nagiging mabagal at pamali-mali kapag hinihiling ang magbasa nang malakas. Sa kabilang banda, hindi naman sila nahihirapang umintindi ng mga salitang binabanggit. Mas mainam para sa kanila ang making kaysa magbasa.
Mahalaga ang papel ng mga guro para ma-diagnose ang dyslexia. Sila kasi ang unang makapapansin na waring may “something” sa kanilang estudyante. Mahina sa spelling. Hirap magbasa nang malakas. Hirap kilalanin ang pangalan ng bawat titik, numero, at kulay. Madalas, akala ng mga guro ay mahina lamang ito sa klase. Pero baka kasi may dyslexia ang bata kaya ganun. Sakaling may ganitong kaso sa eskuwelahan, i-refer ito sa inyong principal upang maipasuri ang naturang bata.
Madalas ay naipagkakamali nila ang mga titik at salita na may kahawig. Minsan, nababaliktad nila ang salita kapag nagsusulat: ang “was” ay nagiging “saw,” ang “no” ay nagiging “on.” Misan din ay nako-confuse sila sa mga letrang magkakahawig: ang basa sa “b” ay “d”, ang “m” ay naipagkakamaling “w”, at ang “n” ay napagkakamalang “h”. Pero huwag ipagkamaling lahat ng kaso ng ganito ay dyslexia na agad. Marami rin kasing bata sa kindergarten o Grade 1 ang mahilig paglaruan ang mga salita at minsa’y binabaliktad nila ang mga ito (pero hindi naman sila dyslexic). Kaya mahalaga ang pagpapasuri sa isang reading specialist o pagkunsulta sa isang SPED teacher tungkol sa kondisyong ito.
Anu-ano pa ang posibleng mapansin sa batang may dyslexia?
Nahihirapan siyang i-blend ang mga tunog
Walang kakayahang maka-appreciate sa mga tunog na may rhyme
Hindi matukoy kung nasaan ang sound na tinutukoy sa isang salita
Nahihirapan din siyang mamili ng tamang salita
Sakaling may dyslexic na anak, huwag masiraan ng loob. Maraming taong dyslexic ang matatagumpay sa iba’t ibang larangan. May mga alam pa nga akong awtor ng libro na dyslexic. Kung nagkakamali man daw siya sa spelling ng mga salita, nandiyan naman daw ang kaniyang mga editor para tulungan siya.
May mga paaralan na sa Pilipinas para sa mga dyslexic gaya ng WORD Lab School sa Quezon City. Yung iba naman, isinasama sa mga karaniwang estudyante ang mga dyslexic. Hingin ang patnubay ng mga experts para magabayan kayo sa tamang paggamot at pag-alalay sa kanilang kakayahan.
Happy birthday ngayong araw na ito (October 15) sa aking kapatid na pharmacist na si Ma. Teresita Gatmaitan-Alimato ng Avida Residences, Cabanatuan City. Pagbati rin mula sa kanyang husband na si Ronald at mga anak na sina Tricia Nicole at John Patrick.
- Latest















