Salamat sa social media, babae sa US nailigtas matapos ma-trap sa swimming pool ng 3 oras
ISANG 61-anyos na babae sa New Hampshire, USA ang nailigtas ng kanyang mga ka-Facebook matapos siyang ma-trap sa swimming pool ng tatlong oras.
Ayon sa report ng pahayagang New York Daily News, na-trap sa swimming pool si Leslie Kahn matapos masira ang hagdang tinatapakan upang makaahon mula sa tubig.
Tatlong oras nagpumilit si Kahn na mabuhat ang sarili mula sa tubig ngunit dahil mahina na ay walang nagawa ang breast cancer survivor upang makaakyat sa gilid ng pool at makaalis mula rito.
Mabuti na lamang at naisipan niyang sungkitin ang kanyang tablet na nakapatong sa malapit.
Sa pamamagitan ng nasabing gadget ay nag-log-in siya sa Facebook at doon humingi ng saklolo sa kanyang mga friends sa nasabing social media site.
Upang makuha ang atensiyon ng lahat ay nag-type si Kahn ng “911” na may kasama pang exclamation point sa Facebook group ng kanilang lugar.
Gumana naman ang kanyang plano dahil ilang minuto lang ang nakakalipas ay isa sa mga kapitbahay niya na nabasa ang kanyang post ang sumipot kaagad sa kanyang bahay. Nagdatingan din ang mga pulis matapos humingi ng saklolo sa mga ito ang isa sa kanyang mga kaibigan sa Facebook.
Matapos masaklolohan ay agad namang in-update ang Facebook group sa kanilang lugar upang ipaalam sa lahat na ligtas na siya, salamat sa social media.
- Latest