Sawang nakalulon ng tennis ball, isinalba ng nurse sa kamatayan
Ang mga ahas ang isa sa mga hayop na mahirap kaawaan ngunit talaga namang kahabag-habag ang nangyari sa isang python sa Australia kaya naman hindi na nakakapagtaka na isinalba ng isang veterinary nurse ang buhay nito.
Natagpuan kasi ang 1.5 metrong haba na sawa na bundat dahil sa nilulon nitong tennis ball.
Mabuti na lamang at napadpad ang sawa sa bakuran ng isang tahanan sa Townsville, Australia kaya naman may nakakita dito at nakapagdala sa snake handler at veterinary nurse na si Trish Prendergast.
Inabot ng 30 minuto ang operasyon sa pagtanggal sa tennis ball na nilulon ng sawa. Minasahe ni Prendergast ang sawa upang unti-unting maitulak ang tennis ball palabas ng bunganga nito.
Kung hindi raw naalis ang bola ay sigurado raw na mamamatay sa gutom ang sawa dahil hindi raw ito basta-basta matutunaw at walang dadaanan ang pagkain papunta sa tiyan ng sawa.
Bagama’t ito raw ang unang beses na nakatagpo si Prendergast ng sawang lumulon ng tennis ball, marami na siyang nakitang mga ahas na lumulon naman ng golf balls at laruang itlog.
Inaasahan namang pakakawalan ang python kapag nakapagpalakas na ulit ito.
- Latest