PNP, kapuri-puri sa APEC
DAPAT lang ibigay ang kredito sa Philippine National Police (PNP) dahil sa matagumpay na pagbibigay ng seguridad sa mga lider na dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit.
Nasa 21 ang mga makapangyarihang lider sa dumalo sa APEC summit sa pangunguna ni US President Barack Obama.
Bagamat marami ang naapektuhang motorista at commuters dahil sa sikip ng daloy ng trapiko, ligtas naman ang 21 lider na dumalo.
Mismong si PNP chief Director General Ricardo Marquez, commander ng joint task force na nangasiwa sa seguridad ng APEC summit ang personal na tumutok sa preparasyon hanggang sa aktuwal upang matiyak ang tagumpay nito.
Dalawang magkakasunod na malaking event na ang hinawakan ng PNP. Ang una ay ang pagbisita ni Pope Francis at ngayon ay ang katatapos na APEC summit na naging mapayapa at maayos ang seguridad sa buong panahon ng pagpupulong.
Ang tagumpay sa seguridad sa APEC ay malaking accomplishment ng PNP dahil nailayo nito sa kahihiyan sa buong mundo ang Pilipinas.
Hindi rin nakaporma ang mga protesters sa APEC summit sapagkat nakontrol ng PNP upang hindi makasagabal at makaapekto sa malaking kaganapan sa bansa.
Bagamat maituturing na palpak ang diskarte ng gobyerno na idaos sa Maynila ang APEC summit sa halip na sa Clark, Pampanga o Subic sa Zambales dahil maraming naperwisyong mamamayan at mga negosyante, natupad naman ng PNP ang kanilang responsibilidad sa pagbibigay ng seguridad sa buong APEC summit.
Purihin natin ang PNP sa pangunguna ni PNP chief Marquez.
- Latest