244 banyaga, arestado sa POGO raid
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang nasa 244 dayuhang manggagawa na karamihan ay mga Chinese na inilarawan ng Bureau of Immigration na pinakamalaking pagsugpo sa illegal online gaming operators ngayong taon.
Nabatid na sabay-sabay na nagsagawa ang BI, National Bureau of Investigation at Armed Forces of the Philippines nang pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operators na mas kilalang bilang POGO noong Oktubre 2 sa Barangay Kimos, Siay; Barangay Tandiong Muslim, Alicia na nasa Zamboanga Sibugay.
Sa Siay site ay naaresto ang nasa 110 Chinese nationals, 2 Cambodians, at isang taga-Hong Kong.
Sa Alicia site ay 131 banyaga ang naaresto karamihan ay Chinese, kabilang din ang Malaysia, Indonesia at Myanmar nationals.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan at nationality ng mga nakakulong.
Iniimbestigahan din ang mga naarestong foreign nationals sa umanoy paglabag ng mga ito sa immigration kabilang ang pagtatrabaho na walang working visas, undocumented, illegal entry at pagkakasangkot umano ng mga ito sa illegal POGO-related online activities.
Narekober ang nasa 78 computer monitors; 3,000 mobile phones, laptops at cellular SIM cards mula sa Casa de Coco Pension House compound, kasama ang technical equipment na pinaniniwalaan na ginamit sa online scams na nagbunyag ng isang organisadong ilegal na operasyon sa online sa lugar.
- Latest

















