^

Pang Movies

Pelikulang pinanalunan ni Janine, wala masyadong nakapanood

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa

Nakakatuwa kung may mga baguhang binibigyan ng pagkilala o pinararangalan. Hindi naman kasi tamang iyon at iyon na lang ang mga artistang nananalo ng awards. Sa totoo lang, natuwa kami nang marinig naming nanalong best actress si Janine Gutierrez, kasi kami man ay naniniwalang isa siyang mahusay na aktres.

Pero kahit naman anong award, may kritisismo. May nagsasabi na namang kaya raw nanalo si Janine ay dahil wala halos pelikulang ginawa noong nakaraang taon bagama’t marami naman siyang nakalaban. 

Sa tingin namin hindi naman tama iyon, dahil hindi naman sinabing si Janine nga ang pinakamahusay sa lahat ng panahon. Siya ay best actress lamang batay sa mga pelikulang napanood ng mga member ng award giving body ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

May isa pa silang sinasabi, na sa palagay namin valid. Best actress nga raw si Janine, pero sino ba ang nakapanood ng kanyang pelikula? Iyan lagi ang itinatanong eh, kumita ba naman?

Pero sa bagay na iyon, labas na si Janine. Siya ay artista lamang sa pelikulang iyon. Ang problema kung may nanood o wala, problema iyan ng marketing ng pelikula.

‘Yan ang realidad basta sinabing indie. Ni hindi halos napo-promote ang mga ganyang pelikula. Makikita mo lang ang promo niyan sa internet, kung hindi naman lalabas nga sa diyaryo kasama sa mga column na tambakan ng press release. Hindi tuloy napapansin.

Dahil kulang sa promo, maganda man ang pelikula, maganda man ang performance ng mga artista, kaunti lang ang nanonood kasi nga hindi naman alam ng mga tao na maganda iyon. Hindi sapat ang kanilang marketing strategy para makumbinsi ang mga tao na magbayad nang tatlong daang pisong mahigit para panoorin ang pelikula.

Kung hindi ayos ang promo mo, aba eh iyong tatlong daang piso, ilang kilo ng bigas iyon, may gulay at isda, o ilang pirasong baboy na ring kasama iyon. Sapat nang pagkain sa maghapon ng isang pamilya.

Ang sinehan kasi ngayon, hindi na kagaya noong araw na kung sabihin nga ay pinakamatipid na uri ng entertainment. Ngayon may mga pirated video ng mga pelikula, mayroon pang nada-download lang sa internet nang libre pa. Sa mga mall, hindi naman nahuhuli iyong nagsasalin ng mga pelikula sa flash drive na ang singil ay walo isang daan lang.

Pero ‘yan ay bago ang pandemya. Ngayon ay iba na rin ang kuwento ng pano­nood ng mga sine at kung paano nga ba ito kikita.

Mila del Sol, naihatid na sa huling hantungan

Noong una pala, ay inisip din ng kanyang pamilya kung ipapa-cremate ang aktres na si Mila del Sol, pero naisip din nila, bakit nga ba eh hindi naman siya nagkaroon ng COVID. Pero matapos lamang ang isang gabing pribadong lamay na hiningi ng kanyang pamilya, inihatid na rin siya sa Loyola Memorial Park kinabukasan ang aktres.

Una, gusto nga nilang maging pribado ang kanilang pagdadalamhati. Ikalawa, tama rin naman ang desisyon dahil naihatid na siya sa huli niyang hantungan bago dumating ang bagyong si Ulysses. At least naging maayos ang lahat. Alam naman nila na marami pa ring kaibigan at tagahanga ang kanilang lola na hindi man nagkaroon ng pagkakataong makita siya sa huling sandali, ipinapalangin namang matagpuan niya ang kapayapaan.

Buhay ng isang personalidad nakalkal pa

Mas matindi pa sa mga bagyo ang sumabog na tsismis tungkol sa isang female celebrity. Iisipin mo bang pagkatapos ng ilang panahon at saka sisingaw ang mga tsismis tungkol sa kanyang mga panlalalaki? At ang masakit pa, lumalabas sa tsismis na makuha lamang niya ang gusto niyang lalaki ay ginagawa niya ang kahit na ano.

Masyadong nakakasira iyan sa kanya pero papaano nga ba siya magde-deny eh ang nagbulgar ay mga taong kinasabwat rin niya sa kanyang mga ginawa. Kumibo pa siya riyan baka kung ano pa ang lumabas na kasunod.

Alam naman ninyo ang buhay ng artista, para kang nakatira sa isang bahay na puro salamin. Basta nabato ka, yari ka.

vuukle comment

JANINE GUTIERREZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with