Boatwright malaking tulong sa Gilas

MANILA, Philippines — Malaking tulong ang pagpasok ni naturalized player Bennie Boatwright sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Alam ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang kapasidad ni Boatwright na isa sa mahuhusay na imports ng PBA sa mga nakalipas na kumperensiya.
“He’s a talented guy; he’s gonna lend a lot of talent to the team and size and perimeter shooting, so he’s a welcome addition,” ani Cone.
Ngunit ayaw ni Cone na madaliin ang magiging impact ni Boatwright sa Gilas Pilipinas lalo pa’t malaking puwesto ang pupunan nito.
Si Boatwright ang hahalili kay naturalized player Justin Brownlee na dinala na ang Gilas Pilipinas sa iba’t ibang kampeonato sa mga international competitions kabilang na ang Asian Games gold noong 2023 sa Hangzhouo, China.
“We’re certainly gonna miss Justin, however, ’cause Justin, he just knows what to do. And that’s gonna be a difference,” ani Cone.
Posibleng mangapa pa sa simula si Boatwright subalit ang husay nito sa paglalaro ang magiging armas nito upang mabilis na makapasok sa sistema ng Gilas Pilipinas.
Inaasahang makukuha agad nito ang chemistry na kailangan para sa solidong paglalaro ng Gilas sa kabuuan.
“He’s gonna maybe struggle a little bit with what he’s supposed to do and how he’s supposed to do it, but we’re hoping his ta-lent will win out on that,” ani Cone.
Maganda ang kundisyon ni Boatwright na naglalaro para sa Fujian Sturgeons sa Chinese Basketball Association.
Makakasama ni Boatwright sa Gilas sina Kai Sotto, AJ Edu, Quentin Millora-Brown, Mike Phillips, Scottie Thompson, Dwight Ramos, Rhenz Abando, Kevin Quiambao, Juan Gomez de Liaño, Chris Newsome, at CJ Perez.
Masusubukan ang Gilas sa Nobyembre 27 kontra sa Syria sa larong idaraos sa Malaysia.
Sunod nito ang laban ng Gilas kontra Iran sa Nobyembre 30 sa parehong venue.
- Latest

















