Spurs hinataw ika-10 sunod

CHICAGO — Humakot si Victor Wembanyama ng 32 points, siyam na rebounds at limang blocks at naglista si Fil-Am Dylan Harper ng 18 points, 10 assists at apat na steals sa 124-119 pagresbak ng San Antonio Spurs sa Bulls.
Nagdagdag si DeAaron Fox ng 17 points at siyam na assists.
Bumangon ang San Antonio (10-2) mula sa isang 22-point deficit para iposte ang ika-10 sunod na ratsada.
Laglag ang Chicago (1-9) sa pang-walong dikit na kamalasan.
Umiskor si Jalen Smith ng career high 23 points, habang may 17 markers si Nic Claxton para sa Bulls na kinuha ang 64-42 kalamangan sa second quarter tampok ang 10 three-point shots.
Isang 18-3 atake ang ginawa ng Spurs sa pagsisimula ng third quarter bago muling maghulog ng isang 11-2 bomba sa fourth quarter para agawin ang panalo.
Sa Portland, nagbagsak si Deni Avdija ng 28 points at may 18 markers si Damian Lillard sa 118-108 pagpapatumba ng Trail Blazers sa Oklahoma City Thunder.
Kumolekta si center Donovan Clingan ng 12 rebounds at tatlong blocks, habang may 19 markers si Jrue Holiday mula sa bench.
Kinumpleto ng Portland (8-3) ang two-game sweep sa Oklahoma City (8-4) sa kanilang duwelo ngayong season.
Nagsalpak si Shai Gilgeous-Alexander ng 31 points, kasama ang 23 sa second half, habang nagkuwintas si Isaiah Hartenstein ng 20 points at 11 rebounds.
Sa iba pang laro, panalo ang Indiana Pacers sa Washington Wizards, 114-101; tinusok ng Cleveland Cavaliers ang New York Knicks, 115-107; wagi ang Boston Celtics sa Toronto Raptors, 98-93; tinalo ng Denver Nuggets ang Memphis Grizzlies, 123-118; at tinambakan ng Brooklyn Nets ang New Orleans Pelicans, 145-111.
- Latest

















