Mojdeh, Cabana ayaw paawat sa NCAA

MANILA, Philippines — Muling umarangkada ang La Salle Green Hills (LSGH) tankers matapos banderahan nina Kristian Yugo Cabana at Behrouz Mohammad ‘Madi’ Mojdeh ang ratsada nito sa ikalawang araw ng bakbakan sa NCAA Season 102 swimming competitions na ginaganap sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Nakabawi si Cabana nang humataw ito ng dalawang ginto at isang pilak matapos mabigong makasungkit ng ginto sa opening day noong Martes.
Nagdagdag naman si Mojdeh ng isang pilak at isang tanso sa kanyang events.
Umani ng ginto si Cabana sa 100m butterfly matapos itarak ang impresibong 56.74 segundo.
“I was really happy with my 100m butterfly. I’ve been working for almost a year to break my personal best of 57 seconds, and finally getting into the 56-second range was a huge achievement for me,” ani Cabana.
Nakumpleto naman ng LSGH tankers ang matamis na sweep sa naturang event nang angkinin nina Gilbert Gonzalo (58.82) at Gerald Esquivel (59.69) ang pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Nagsanib-puwersa pa sina Cabana, Esquivel, Titus Rafael Sia at Rafael Ubiadas sa pagkopo ng gintong medalya sa 4x100m freestyle relay tangan ang 3:43.22.
Nakahirit pa si Cabana ng pilak sa 50m backstroke (28.49) — ga hibla mula sa gold medalist na si Earl Baguistan ng San Beda.
Sa kabilang banda, nakahirit ng pilak si Mojdeh sa 200m breaststroke matapos maglista ng 2:30.87 puntos habang pumangatlo ito sa 400m freestyle hawak ang 4:23.63.
Sa kabuuan, may isang ginto, dalawang pilak at isang tanso na si Mojdeh na Rookie of the Year noong NCAA Season 101.
Si Mojdeh ay nakababatang kapatid ni national swimming team member Micaela Jasmine Mojdeh na isa sa mga nagbibigay sa kanya ng tips sa kanyang mga laban.
- Latest

















