Creamline ipinakita championship experience

MANILA, Philippines — Ipinakita ng nagdedepensang Creamline ang kanilang championship experience sa straight-sets win laban sa Farm Fresh sa Game One ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series Finals noong Sabado sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang panalo sa Game Two bukas ang magbibigay sa Cool Smashers ng kanilang ika-12 korona kasabay ng pagkakait sa Foxies sa pinapangarap nitong kauna-unahang titulo.
“Actually, sobrang happy namin sa loob ng court. Parang wala siyang pressure kasi lahat talaga ay nag-e-enjoy sa loob ng court. Lahat gusto manalo, lahat nagtatrabaho,” ani Creamline star Jema Galanza.
Humataw si Galanza ng 15 points para sa pagdiriwang ng kanyang ika-30 kaarawan.
Itinuring ni Galanza na isang ‘regalo’ ang nasabing panalo ng 11-time PVL champions sa Farm Fresh sa series opener ng kanilang best-of-three championship series.
“Sobrang nakakatuwa na ganito ‘yung gift sa akin. Pero siyempre, hindi pa kami puwedeng mag-relax kasi may Game Two pa. So, tatrabahuhin namin ‘yung Game Two,”ani Galanza.
Kumpiyansa si Galanza na tuluyan nang mawawalis ng Cool Smashers ang Foxies sa serye.
“Half-granted ‘yung birthday wish, papunta pa lang. Pero sana sa Game Two mas maganda pa ‘yung ipakita namin,” dagdag ng dating Adamson Lady Falcons star.
- Latest


















