Pinoy bets sumipa ng ika-2 tanso sa 1st ASTAF tilt
MANILA, Philippines — Sinipa ng Team Philippines ang ikalawang bronze medal sa 1st ASTAF U19 Asian Sepak Takraw Championship matapos ang 5-15, 4-15 pagyukod sa Thailand sa semifinals ng boys’ regu event kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Ito ang ikalawang bronze ng Nationals matapos pumangatlo sa boys’ doubles event ng torneong inihahandog ng Philippine Sports Commission.
Bigo sina attacker Jaypee Magno, feeder Harjay Suelo at tekong (server) Rainer Penuela na masilat ang mga Thais na itinakda ang kanilang gold-medal match ng Indonesia.
Natapos ang nasabing laban sa loob ng 30 minuto.
Nauna nang pinatumba ng mga Pinoy sepak takraw players ang Bangladesh, 15-7, 15-8, papasok sa semifinals.
Tinalo ng Indonesia ang Myanmar 15-7, 16-17, 15-13, sa isa pang semis match ng torneong inorganisa ng Philippine Sepak Takraw Association, Inc. at may basbas ng Asian Sepak Takraw Federation.
Sa finals, pinadapa ng mga Thais ang mga Indonesians, 17-14, 15-5, para angkinin ang gold medal.
Samantala, tinakasan ng national girls’ quadrant team ang India, 15-12, 14-17, 15-6, para sa kanilang unang panalo sa Group B sa event na suportado ng Milo, Pocari Sweat at Wolfgang Steakhouse.
Sina Angelyca Ong at Alyzza Mae Solmia ang bumandera sa tropa sa third set para ungusan ang India sa loob ng 65 minutong sipaan.
- Latest


















